ALAMIN: Mga pag-iingat kung makikipagtalik habang buntis | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Mga pag-iingat kung makikipagtalik habang buntis

ALAMIN: Mga pag-iingat kung makikipagtalik habang buntis

ABS-CBN News

Clipboard

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambata ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

MAYNILA -- Nilinaw ni Dr. Lulu Marquez sa kaniyang programang ‘Private Nights’ sa DZMM, na maaari pa ring makipagtalik kahit buntis na.

Karaniwan din daw sa isang buntis na gustuhing makipagtalik sa ikalawang semestre, o mula ikaapat hanggang ikaanim na buwan ng pagdadalantao. Sa panahon ding iyon daw kasi lalong umiigting ang hormones ng buntis.

“Sex is natural, it’s a normal part of pregnancy, so puwede siya,” ani Marquez.

Aniya, hindi rin totoo na baka masaktan ang sanggol sa sinapupunan kapag nakipagtalik ang buntis.

ADVERTISEMENT

“Sex will not hurt your baby,” paliwanag ni Marquez. “Remember po, ang baby ay protected… hindi ‘yan nagagalaw or natatamaan man lang.”

Pinabulaanan din ng doktor ang sabi-sabi na baka masagi ng ari ng mister ang sanggol sa loob ng sinapupunan ni misis.

“Hindi po mauuntog [ang baby],” ani Marquez. “The penis will no way come in contact with the baby… hindi pupunta kay baby ang seminal fluid.”

Pero hindi lahat ng buntis ay maaaring makipagtalik.

Mayroon din kasing maituturing na maselan ang pagdadalantao kaya inaabisuhan ng doktor na umiwas muna sa pakikipagniig habang buntis.

Anang Marquez, maituturing na “high risk” o di dapat makipagniig ang mga buntis na dating nakunan o nagkaroon ng ‘miscarriage’. Dapat ding umiwas sa pakikipagtalik ang mga buntis na nakararanas ng spotting o vaginal bleeding at discharge, lalo na kung mayroon ding pananakit ng tiyan.

Hindi rin muna dapat makipagtalik ang mga buntis na mayroong ‘leak’ sa amniotic sac na bumabalot sa fetus, dahil baka mag-labor nang di oras ang buntis.

Pinaiiwas din sa pagniniig ang mga nagbubuntis sa kambal, o mas marami pang fetus. Hindi rin puwedeng makipagtalik ang mga buntis na inabisuhan ng doktor na mag-‘complete bed rest’ o magpahinga nang lubos.

“Some doctors would advise to avoid having sex in the final weeks of pregnancy,” dagdag na paliwanag ni Marquez. “Iyong mga overdue na, malapit nang manganak, huwag na muna [makipagtalik].”

Paalala naman ni Marquez sa mga buntis na maaaring makipagtalik, mainam pa ring gumamit ng proteksiyon para maiwasan ang anumang ‘sexually transmitted infection’.

Huwag din daw mag-alala ang buntis kung makaranas ng ‘orgasm’ sa pakikipagtalik dahil hindi ibig sabihin nito ay mapapaaga ang pagle-labor.

Pagdating naman sa ‘sex position’ kung makikipagtalik ang buntis, inirekomenda ni Marquez ang mga posisyong hindi nakahiga o nakalapat sa higaan ang likuran ng babae.

“Studies have shown that it is recommended that four months [into the pregnancy], you do not lie on your back or right side for long periods of time due to compression. Mako-compress po iyong veins at arteries [ng buntis].”

Dapat ding dahan-dahanin ang pakikipagtalik sa buntis. Tiyaking komportable lagi ang nagdadalantaong misis kapag nagniniig.

Hindi rin aniya dapat ma-‘conscious’ ang buntis sa kaniyang pangangatawan habang nakikipagtalik.

“Remember, if you are pregnant, you are still sexy,” pagtitiyak ni Marquez.

Ligtas pa rin naman daw ang ‘oral sex’ kapag buntis. May paalala lang si Marquez sa mga mister: “Do not blow into the vagina… you might introduce infection.”

Matapos namang magsilang, inabisuhan ni Marquez ang mga ginang na bigyan ng sapat na panahon ang sarili para maghilom ang sugat mula sa panganganak bago makipagtalik muli.

Sa tantiya ni Marquez, apat hanggang anim na linggo dapat paghilumin muna ng isang ina ang kaniyang katawan mula sa panganganak.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.