Sabay na nagtapos sa senior high school sa Bais City, Negros Oriental ang mag-inang Ma. Cecilia Cadiz at John Gabriel noong Hulyo 2, 2022. Courtesy: Nick Bryan Cadalso/Bais City National High School handout
Hindi naging hadlang sa isang ginang sa Bais City, Negros Oriental ang kanyang edad upang makapagtapos ng senior high school kasabay ng kanyang 16-anyos na anak.
Sa edad na 59, nagtapos si Ma. Cecilia Cadiz sa track na Technical-Vocational-Livelihood (TVL) mula sa Bais City National High School nitong Hulyo 2 kasama ang bunsong anak na si John Gabriel.
Kuwento ni Nanay Cecilia, pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtitinda ng gulay sa palengke ng kanilang lungsod.
Nagtutulungan din sila ng kanyang anak sa pagsasagot ng module dahil magkaklase sila.
Aniya, napilitan siyang tumigil sa pag-aaral noong kabataan niya dahil sa hirap ng buhay. Tinutulungan lang daw niya noon ang kanyang ama na nangingisda habang siya naman ang kumukuha ng mga talaba.
"Magkasabay po kaming walong magkakapatid, pero wala kaming pera kaya nahinto po ako sa pag-eskwela," sabi ni Nanay Cecilia nang makapanayam ng ABS-CBN News.
Napagdesisyunan na lang ni Nanay Cecilia na mag-aral muli noong 2017 sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS). Nahikayat lang daw siya noon ng mga guro habang hinahatid ang mga anak sa paaralan.
Nang magatapos sa ALS, nagpasya siyang magpatuloy sa pag-aral ng senior high school kasi hindi raw niya gustong masayang ang kanyang pinaghirapan.
Aminado si Nanay Cecilia na noong una, nahihiya pa itong pumasok sa paaralan dahil tinititigan siya ng mga guro at mag-aaral.
"Tinitingnan po nila ako, siguro nanibago lang po at hindi makapaniwala na may kamag-aral silang kaedad ko," kuwento niya sa wikang Cebuano.
Ngayong high school graduate na siya, balak naman ni Nanay Cecilia na kumuha ng kursong education sa kolehiyo. Aniya, pangarap niyang maging guro.
Kursong food technology naman ang kukunin ng anak niyang si John Gabriel.
Payo ni Nanay Cecilia sa mga kaedad niyang hindi pa tapos sa pag-aaral, huwag mahiya at sundin lang ang pangarap.
"Wala po talagang imposible sa Diyos. Kailangan lang po nating magpatuloy sa kabila ng paghihirap at lagi pong manalangin sa Panginoon," aniya.
KAUGNAY NA VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.