Alamin: Paano makaiiwas sa sakit ang mga bata kapag tag-ulan? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Alamin: Paano makaiiwas sa sakit ang mga bata kapag tag-ulan?

Alamin: Paano makaiiwas sa sakit ang mga bata kapag tag-ulan?

ABS-CBN News

Clipboard

Halos kasabay ng pagbubukas ng klase ang panahon ng tag-ulan, kaya mas madaling dumapo sa mga bata ang mga sakit na maaaring mula sa pagkabasa sa ulan o mula sa pagkakahawa sa mga kaklase.

Ilan sa mga karaniwang sakit na nakukuha ng mga bata tuwing tag-ulan ay ubo, sipon, at lagnat na sanhi ng mga virus.

Maaari ring magmula ang ubo at sipon sa pagiging allergic sa biglaang pagpapalit ng temperatura sa paligid. Kung sakaling allergic ang bata, maaaring uminom ng mga antihistamine na gamot upang mawala ito.

Mas tumataas naman ang mga kaso ng dengue tuwing tag-ulan dahil dumarami ang mga lugar na mapangingitlugan ng mga lamok.

Upang makaiwas sa mga sakit na ito, nagbigay ng ilang tips sa pagpapalakas ng resistensiya ng mga bata sina Dr. Cynthia Cuayo-Juico, isang pediatrician mula sa Manila Doctor's Hospital, at si Erica Yu-Bonifacio, isang mommy blogger.

ADVERTISEMENT

1. Pagdalahin ng payong, kapote, at bota ang bata.

Mabuting protektahan ang mga bata mula sa ulan sa pamamagitan ng pagpapabaon ng payong at kapote sa mga ito.

"Sa umaga pa lang, pinadadalhan ko na sila ng jacket na may hood. Kailangan may jacket sila kahit maaraw kasi alam ko e uulan sa hapon," ani Yu-Bonifacio.

Mainam din na pasuotin ng bota ang bata upang makaiwas sa baha na maaaring may ihi ng daga. Maaari kasi itong magdulot ng leptospirosis.

2. Painumin ang bata ng maligamgam na tubig na may lemon o kalamansi.

Makatutulong din sa pagpapalakas ng resistensiya ang pagpapainom ng maligamgam na tubig na may isang hiwa ng lemon o pinigaan ng kalamansi. Mataas kasi sa bitamina C ang lemon at kalamansi.

Kahit walang laman ang tiyan, maaaring ipainom ito dahil nakatutulong ang alkaline ng lemon sa paglilinis ng tiyan at pagpapabilis din ng metabolismo.

ADVERTISEMENT

3. Siguraduhing nakakakain ng masustansiya ang bata nang tatlong beses sa isang araw.

Huwag kaligtaan ang almusal dahil ito ang pinaniniwalaang pinakaimportanteng pagkain sa buong araw. Ito kasi ang nagbibigay ng enerhiya sa mga bata.

Kung sakaling kakapusin sa oras upang magluto ng almusal, maaaring gawing shake ang almusal, gaya ng paghahalo-halo ng oatmeal, gatas, at ilang prutas.

Mainam ding pakainin ng gulay ang mga bata dahil mayaman ito sa mga bitamina. Kung hirap pakainin ang bata ng gulay, maaari itong gawing inumin sa pamamagitan ng pagbe-blender ng mga gulay. Maaari rin itong haluan ng honey upang magkaroon ng kaunting tamis.

4. Patulugin nang maaga ang bata.

Kailangang makakuha nang sapat na tulog ang bata upang mas maging aktibo ito sa susunod na araw. Mas lumalakas din ang resistensiya kapag nakakakuha ng sapat na pahinga.

Ipinapayong patulugin nang mas maaga ang mga bata isang linggo bago ang pasukan upang hindi ito mahirapang mag-adjust isang gabi bago magbukas ang klase.

ADVERTISEMENT

5. Pagsuotin ng mask ang bata.

Mainam na turuang maglagay ng mask ang bata upang di makahawa at hindi rin mahawa sa mga kaklase.

6. Ituro ang regular na paghuhugas ng kamay.

Dapat matutong maghugas ng kamay ang mga bata bago at pagkatapos kumain, gayundin pagkatapos gumamit ng banyo. Kung maaari ay pabaunan din ng alcohol spray na maaari niyang gamitin pagkatapos maghugas ng kamay.

7. Magpabakuna kontra flu, pneumonia, at dengue.

Mainam na magpabakuna na kontra flu at pneumonia ilang linggo bago pumasok upang makapaghanda sa mismong pasukan. Pinapayuhan namang magpabakuna kontra dengue kung nasa edad 9 pataas na ang bata.

8. Painumin ng salabat o pakainin ng luya kung nagsisimula na ang pag-ubo.

Kung sakali namang magsimula nang ubuhin at mangati ang lalamunan ng anak, makatutulong ang pagpapakain ng luya o pagpapainom ng salabat. Maaari rin nitong bawasan ang kati sa lalamunan.

9. Gumamit ng tissue, imbes na tuwalya, sa pagpupunas.

Ipinapayo ang paggamit ng tissue sa pagpupunas, pagsinga, o pagtakip ng bibig para umubo dahil maaari itong itapon pagkatapos. Mas makapagkakalat kasi ng virus at germs ang tuwalyang nagamit na.

ADVERTISEMENT

Para naman kay Mommy Erica, pinakamahalaga pa rin ang pagtutok sa mga anak kahit pa mayroong yaya o ibang nag-aalaga upang mas malaman ang mga pangangailangan ng mga anak, lalo na sa panahong malapit sila sa mga sakit.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.