PatrolPH

TINGNAN: Classroom sa Masbate na may temang Hello Kitty good vibes ang hatid

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2021 07:25 PM | Updated as of Jun 10 2021 07:26 PM

 

MAYNILA— Good vibes ang hatid ng isang Hello Kitty-themed classroom sa Cawayan Exterior Elementary School sa Masbate City na ginawa ni Samelyn Lafuente, isang Grade 2 Teacher.

Ani Bayan Patroller Jonathan Morano, siya mismo ay natuwa sa istilo ni Teacher Sam kaya naisipan niya itong ibahagi sa Bayan Mo, Ipatrol Mo.

Kwento ni Teacher Samelyn, bago pa magkaroon ng pandemya, naging maganda ang epekto nito sa mga mag-aaral. Nahikayat sila na magbasa sa reading corner ng classroom, na isang proyekto umano ng paaralan na tinatawag na Project ERAL (Every Room A Library).

Ngayong may pandemya, hindi pa rin tumigil si Teacher Sam na padalhan ng good vibes ang mga estudyante niya.

"Ang mga magulang natutuwang magkwento sa akin na ang kanilang mga anak ay namo-motivate na basahin at sagutan agad ang mga modules at activity sheets. Sa konting paraan ngayong panahon ng pandemya sana maipadama ko sa kanila na... kaming mga guro nila handang umagapay para sa kanilang kinabukasan," aniya.

Ang school head naman na si Rafael Ricarte, suportado ang Hello Kitty-themed room dahil nakakatulong ito na mapasigla ang mga mag-aaral.

"'Pag sinabing Cawayan Exterior ES, alam na nila na andito ang HK classroom. Naging daan rin ito na magkaroon kami ng malakas na suporta o shared responsibilty sa aming mga stakeholders," aniya. 

"Kaya kami sa paaralan ay ginagawa ang lahat ng aming makakaya na pagandahin ang bawat classroom at maibigay ang kalidad na edukasyon sa aming mga mag-aaral."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.