Gawang-kamay ng paralisadong single mom, nakarating na sa London, Dubai | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Gawang-kamay ng paralisadong single mom, nakarating na sa London, Dubai

Gawang-kamay ng paralisadong single mom, nakarating na sa London, Dubai

Angela Coloma,

ABS-CBN News

Clipboard

Ayon kay Che Formilleza, may ilang nag-order na ng kaniyang mga paninda sa London at Dubai. Contributed photo

Hindi man niya naigagalaw ang kaniyang dalawang paa, malayo na ang narating ng 32 anyos na si Che Formilleza sa kaniyang paggagantsilyo o pag-crochet.

Tampok sa Facebook group na “The Happinews Project” ng ABS-CBN News ang kuwento ni Formilleza, na kumakayod at nagpupursige sa kabila ng kaniyang mga pagsubok sa buhay bilang person with disability (PWD) at single parent.

Ang kaniyang mga gawa, nakarating na sa ilang mga bansa.

Ayon kay Formilleza, natuto siyang maggantsilyo noong 2017 bilang libangan at kinalauna’y ginawa niya itong kabuhayan.

ADVERTISEMENT

Aniya, sa pagpo-post ng kaniyang gawa sa kaniyang Facebook account, mayroon na umanong nagko-comment na gustong bumili at naisip niya itong gawing pagkakakitaan.

“Siyempre kailangang ma-divert 'yung attention ko para hindi ako ma-depress. Tapos siyempre po para hindi ko masyadong damdamin ito at hindi ako ma-bore,” aniya sa panayam ng ABS-CBN News.

Inilagay na rin niya sa Instagram ang kaniyang mga gawa.

Nagtapos sa kursong Business Management sa Romblon State College si Formilleza at nagtrabaho bilang marketing assistant. Pero makalipas ang isang taon ay nakaranas siya ng pagsubok na magbabago sa takbo ng kaniyang buhay.

Anim na buwan matapos ipanganak ang kaniyang unica hija na si AC noong 2010, naparalisa ang ilang bahagi ng kaniyang katawan dahil sa komplikasyon sa Urinary Tract Infection (UTI).

ADVERTISEMENT

Sa pagkakaroon ng kapansanan, isa sa kaniyang inalala ang kapakanan ng kaniyang anak na 9 anyos at honor student sa paaralan.

“Hindi ko siya masasamahan, na kakabitan siya ng ribbon, siyempre 'yun 'yung pinakamasakit sa lahat at 'yung makakalaro ko sana siya at makakapasyal,” aniya.

Pero sa kabila ng mga pagsubok, nanatiling matatag si Formilleza. Aminado mang ayaw noon simulan ang paggantsilyo, paglaon ay nagustuhan niya ito.

At sa tulong ng kaniyang batchmate noong high school, naipabenta pa niya sa United Kingdom ang kaniyang mga gawa.

"Hindi man ako kayang dalhin pa sa ngayon ng aking mga paa sa ibang lugar kaya naman akong dalhin ng mga gawang-kamay ko sa ibang bansa," ani Formilleza, na nagpadala ng 10 bonnet sa London para maibenta.

ADVERTISEMENT

Bukod sa London, naipadala na rin sa Dubai ang kaniyang mga gawa sa tulong ng kaniyang Facebook page na “Handmade by Che.”

"May mga nag-oorder po sa akin na mga friends ko dito lang sa Facebook at nakikita po nila ang post ko kaya nagpapagawa sila ta's dinadala nila sa ibang bansa," kuwento ni Formilleza.

Mga gawang-kamay ni Che Formilleza. Contributed photo

Mga gawang-kamay ni Che Formilleza. Contributed photo

Mga gawang-kamay ni Che Formilleza. Contributed photo

Mga gawang-kamay ni Che Formilleza. Contributed photo

Mga gawang-kamay ni Che Formilleza. Contributed photo

May ilan din daw na nagbibigay ng materyales kay Formilleza para maitawid ang kaniyang kabuhayan.

"May nagbibigay po sa akin ng yarn, then minsan galante naman po 'yung iba, pinapasobrahan po nila 'yung bayad."

Kabilang sa mga ginagantsilyo ni Formilleza ang mga bonnet o sombrero ng sanggol, cellphone case, wallet, bag, at iba pang mga kagamitan.

ADVERTISEMENT

TAKBO NG BUHAY

Kumukuha ng lakas si Formilleza sa kaniyang 9 anyos na anak na si AC. Contributed photo

Naninirahan ngayon si Formilleza sa isang kubo malapit sa bahay ng kaniyang mga magulang sa isang barangay sa Romblon. Aniya, nakahiwalay ang kaniyang bahay dahil kinakailangang presko ang kaniyang pakiramdam lalo't maituturing siyang "bedridden."

"Binibigyan po ako ng ibang pagkain then dapat tihaya, tagilid, and reclined sa wheelchair. Tapos binubuhat ako sa sahig ta's naliligo ako mag-isa, basta maabot ko lang 'yung tubig OK na ako," ani Formilleza.

Nakatira ang kaniyang anak sa bahay ng kaniyang magulang pero madalas naman daw siyang puntahan nito para maalagaan. Sa anak siya kumukuha ng lakas ng loob para magpursige sa buhay.

Aminado mang nalulungkot na may mga bagay na hindi niya kayang gawin kasama ang anak, hindi siya nagpapatinag sa kaniyang sitwasyon. Maituturing din niyang biyaya ang kaniyang anak, na madalas daw ay umaalalay sa kaniya.

“(Nagpapasalamat ako) sa mga binibigay niyang ideya sa'kin para makayanan ko 'to siyempre para matulungan ko talaga iyung sarili ko,” ani Formilleza.

ADVERTISEMENT

Sa ngayon ay nag-iipon si Formilleza para magpatingin sa doktor at sumailalim sa physical therapy.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.