Tiyani, ahit, wax: Ano'ng pinakamainam na pang-alis ng buhok sa kilikili?

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 12:33 AM

Pagtitiyani, pag-aahit, o pagpapa-wax -- ilan lang iyan sa mga paraan ng mga babae para alisin ang buhok sa kilikili.

Pare-pareho mang nakatatanggal ng buhok ang mga naturang paraan, iba't iba naman ang nagiging epekto nito sa balat, ayon sa isang doktor.

"Kapag mali 'yong pagtanggal, puwedeng maputol ang buhok [sa kilikili]," ani Dr. Earl Caroline Pasco-Orate ukol sa paggamit ng tiyani o tweezers sa pagbunot ng underarm hair.

Paliwanag niya, para matiyak na hindi magiging mali ang tubo ng buhok sa kili-kili, kung magtitiyani ay dapat mahugot nito pati ang ugat o iyong bulb ng buhok na karaniwang nasa ilalim ng balat.

Gayunman, nagpaalala siya sa di kanais-nais na epekto sa balat ng pagtitiyani ng buhok.

"Napakasakit kasi kada buhok na tatanggalin mo, isang sakit din... madalas na komplikasyon kapag plucking or tweezing is chicken skin," sabi ni Orate sa programang "Ma-Beauty Po Naman" ni Cory Quirino sa DZMM.

"Chicken skin" ang karaniwang tawag sa "follicular prominence" o ang tila pagkakaroon ng maliliit ng umbok ng balat na maihahalintulad sa balat ng manok na naalisan na ng balahibo.

Kahit naman mas madaling mag-ahit ng buhok sa kili-kili, hindi pa rin ito iminumungkahi ng doktor dahil sa maaaring pagkapanit ng balat o kaya'y lalong pagtigas ng buhok kapag tumubo muli.

"Hindi namin nirerekomenda ang shaving kasi unang-una ang blade di mo siya matatantiya, so puwedeng masama 'yong parte ng balat... kapag mali ang direksiyon ng pag-shave, so puwedeng against the skin... ang tawag doon is razor burns, makati," ani Orate.

"Kapag ikaw ay nag-shave, pinuputol mo siya doon sa pinakamakapal na area niya. So kapag tumubo ang buhok ang nangyayari kasing kapal na siya noong sa ilalim."

Sakali namang di maiiwasan ang pag-aahit, nagbigay ng tips si Quirino para maiwasan ang pagkakaroon ng chicken skin.

Tamang paraan ng pag-shave

1. Mag-shave sa basang balat
2. Gumamit ng maligamgam na tubig para bumuka ang pores
3. Gumamit ng gentle shaving cream o sabon bago mag-ahit
4. Gumamit ng mild soothing lotion o sabila matapos mag-ahit

Sakali namang magkaroon ng reaksiyon ang balat matapos mag-ahit, mainam na lagyan iyon ng aloe vera o allergy cream at kung hindi mawala ang iritasyon ay magpatingin sa isang dermatologist.

Ayon kay Orate, pinaka-inirerekomenda niya ang pagpapa-wax dahil hindi aniya ito nakasasama sa balat.

Hindi rin ito singsakit ng pagtitiyani at, di raw tulad ng shaving, tiyak na makukuha ang kabuuang buhok sa kili-kili.

"Advantage [ng waxing] is makukuha from the root [ang buhok]... mas matagal 'yong pagtubo ng buhok," ani Orate.

Mainam din aniya ang "brazilian" o ang pagpapa-wax ng buhok sa pribadong parte ng babae para na rin sa "hygiene."

"Maganda ang brazilian waxing kasi for hygiene... mas madaling linisin 'yong area."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.