Laruan, dapat bang panlalaki o pambabae lang? | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Laruan, dapat bang panlalaki o pambabae lang?

Laruan, dapat bang panlalaki o pambabae lang?

ABS-CBN News

Clipboard

Hindi dapat pagbawalan ang mga bata na maglaro ng mga laruang pinaniniwalaan ng iba na hindi angkop sa kanilang kasarian dahil nakababawas ito sa kanilang oportunidad na matuto at maging malikhain, ayon sa isang family and child development expert.

"Dapat open-minded lahat ng learning materials kasi para sa kanila, walang gender [specificity], wala pang identification kung ano ang panlalaki o pambabae," sabi ni Tina Zamora sa programang "Sakto" ng DZMM.

Kadalasan kasing binibigyan ng kulay ng iba o nauuwi sa panunukso kapag ang isang bata ay naglalaro ng laruang sinasabing hindi wasto para sa kaniyang kasarian.

Halimbawa rito'y ang paglalaro ng mga lalaki ng mga manika at kitchen set (lutuan), at paglalaro ng mga babae ng mga robot at sasakyan.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Zamora, nag-uugat ang ganitong mga problema kapag pumapasok ang mga tradisyonal na pananaw ng lipunan at kapag hindi malinaw sa pamilya ang kanilang mga paniniwala sa kasarian.

"Nagiging issue niyo lang iyan kapag hindi ninyo napag-uusapang mag-asawa ang values ninyo, may takot ba kayo? You know, na maging something 'yong anak niyo," ani Zamora.

Paliwanag pa niya, kapag ikinahon lang sa mga partikular na laruan ang isang bata ay naaapektuhan nito ang kakayahan nilang maging "creative" o malikhain.

Dagdag pa ni Zamora, ang paglalaro ng isang bata ay isang paraan para malaman nito ang kaniyang interes at trabahong posibleng nais niyang linyahan sa hinaharap.

Ibig sabihin, posibleng kaya mahilig sa dollhouse ang isang batang lalaki ay dahil gusto niyang maging arkitekto. Maaari ring kaya naglalaro ng mga robot ang batang babae ay dahil nais niyang maging inhenyero.

Binigyang diin din ni Zamora ang gampanin ng mga magulang sa pagtuturo hinggil sa kasarian.

"Ang unang reaksiyon na binabasa ng bata ay reaksiyon ng magulang," aniya.

"Minsan natatakot din ang lalaki, kunyari gusto niyang maging arkitekto, gusto niya iyong bahay [ng manika] ng kaniyang kapatid na babae, dahil sa takot sa tatay sa reaksiyon, di niya lalaruin. Sayang ang learning opportunity."

Kaya mainam na turuan ng mga magulang ang mga bata na pagtibayin ang kanilang kumpiyansa sa sarili, at huwag magpaapekto sa panunukso at paniniwala ng iba.

Payo ni Zamora ay maging bukas ang mga magulang tuwing bibili ng laruan. Huwag aniyang ikahon ang mga laruan sa kasarian.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.