PatrolPH

Mga inmate sa BJMP, may alay ngayong Huwebes Santo

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2023 05:47 PM

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News.
Zyann Ambrosio, ABS-CBN News.

May alay ang ilang mga persons deprived of liberty (PDL) ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Makati ngayong Huwebes Santo.

Sari-saring mga religious activity ang inihanda ng BJMP Makati para sa mga nakakulong.

Alas-9 ng umaga kanina, nasa 60 PDL ang nagsimulang mag-Stations of the Cross paikot sa Makati City Jail.

Kasabay nito, may 40 inmate ang nakilahok naman sa pabasa na isinagawa sa chapel ng naturang jail. Isa sa mga dumalo ay si Katrina, hindi niya tunay na pangalan, na nahuli noon dahil sa illegal na droga.

Sa kanyang pagninilay-nilay, humihingi siya ng tawad sa Diyos dahil sa kanyang mga nagawa na nakasira pa aniya sa kanyang pamilya.

"Nahuli ako sa pagdodroga na gawa ng barkada. Naudyukan ako ng barkada ko pampa-sexy daw maniwala ako 'yun pala hindi maganda sa utak. Nakakagawa ng bagay na hindi maganda tulad ng pagnanakaw sa kapatid. Pamilya ko nasira, nawala tiwala sa'kin,“ ani Katrina.

Sabi pa ni Katrina, ang mga aktibidad na hinanda ng BJMP Makati ay malaking tulong para sa kanilang pagbabalik loob sa Diyos. Ganundin daw ang layunin ng BJMP ngayong Semana Santa.

Bukod sa Stations of the Cross at pabasa, may isinagawa ring misa kung saan nasa 100 PDL naman ang dumalo. 

Ang ibang inmate naman ay naghanda na rin at nagsimulang magpinta sa mga itlog na gagamitin naman para sa Easter Egg hunting sa Pasko ng Pagkabuhay o sa Easter Sunday. 

Ayon kay Makati City Jail Warden Joey Doguiles, sa darating naman na Easter Sunday, bubuksan nila ang playground area para sa mga anak ng mga inmate para sumali sa Easter egg hunting.

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.