Pilgrimage, pamamasyal sa bulubundukin ng Baao, patok ngayong Holy Week | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pilgrimage, pamamasyal sa bulubundukin ng Baao, patok ngayong Holy Week

Pilgrimage, pamamasyal sa bulubundukin ng Baao, patok ngayong Holy Week

ABS-CBN News

Clipboard

Patok sa mga taga-Camarines Sur ang pamamasyal sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Baao. Larawan mula kay Jonathan Magistrado

BAAO, Camarines Sur — Tuwing Semana Santa, bahagi na ng panata ng ilang Camarinense ang alay-lakad paakyat sa bulubunduking bahagi ng bayan na ito.

Mula sa poblacion, may stations of the cross papunta sa Our Lady of Lourdes Church na nasa Barangay Caranday.

Ayon sa kura paroko ng simbahan na si Rev. Fr. Ralph Golina, hindi nila pipigilan ang mga mananampalataya na magtungo sa simbahan basta sundin lang ang minimum health standards.

“Within the Holy Week welcome po sila dito, huwag lang 'yung masyadong madami. Kung pupwede we still have to wear mask and mag-observe ng health protocols,” paalala ng pari.

ADVERTISEMENT

Ilan sa pilgrims ay sumasaglit sa century-old balete tree sa Sitio Manrongow ng katabing Antipolo na tulad ng Caranday ay COVID-free barangay din hanggang ngayon.

Manipis man ngayong summer ang dinarayo ritong "sea of clouds," nakamamangha pa rin ang 360-degree view ng 4th at 5th district ng lalawigan at mga bulkan ng Asog, Isarog at Mayon.

“Yung kakilala po namin nag-post, refreshing po tapos nakaka-relax,” ani ng namasyal na si Zigfred Belza na mula sa Iriga City.

Patok din ang lugar para sa mga nais magnilaynilay.

May grupong nag-camping sa lilim ng balete para saksihan ang takip-silim, kabilugan ng buwan at bukang-liwayway gaya noong Palm Sunday.

Ang 17-taon gulang na si Francine Villaflor, nalampasan na umano ang pagiging acrophobic o may fear of heights nang subukan ang "hammocking" o pag-duyan sa mataas na bahagi ng puno.

“Malayo ka sa city tapos malayo ka sa stress ganun tapos relaxing 'yung paligid,” ani Francine.

Larawan mula kay Jonathan Magistrado

Ayon sa indigenous people o IP community sa lugar, umpisa ng pandemya noong nakaraang taon nang madiskubre ng ilang joggers at biker ang viral na ngayong view deck at camp site.

“Yung mga tao sinasabihan namin na huwag niyong galawin 'yung mga (tanim na mais), saka huwag kayong maggagalaw ng mga puno dyan, mga sanga,” paliwanag ng caretaker ng lupain na si Luis Salcedo

Masaya naman si Gigi Bacoy dahil habang naghihintay siyang mamunga ang mga tanim na mais ay kumikita siya sa pagtitinda ng pagkain at inumin sa mga turista.

“Kahit paano ay meron income araw araw, hindi naman pare-parehas ang income e, 'pag Linggo medyo malaki rin,” masayang kwento ni Aling Gigi.

Ayon sa punong barangay na si Dante Arevalo, pribado ang nasa 16-ektaryang lupain.

Walang entrance fee ang pamamasyal dito sa ngayon pero paalala ng mga taga-barangay sa mga turista ang laging pagsunod sa ipinatutupad nilang health and safety protocols.

“Yung health protocol po, naka-mask, meron po kaming naka-designate na mga barangay officials d'yan po sa entrance. Minsan nga ho nagbabawal po kami dito na 'yung mga bike o motor na iakyat po dito,” paalala ng kapitan.

Professional outdoor tour adventure organizers lang din ang pinapayagan ng barangay na makapagsagawa ng camping dito.

– ulat ni Jonathan Magistrado

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.