Paano magagamot ang anit, buhok na may kuto?

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2018 10:04 PM

Stock Photo

Isa sa karaniwang nagiging "salot" tuwing tag-init ang paglipana ng kuto na kadalasa'y namamahay sa buhok at anit ng mga bata.

'Yong louse ay isang... parasite. Ibig sabihin, mayroon siyang pagkain na nakikita or hinahanap sa katawan natin. Ano 'yon? Dugo ng human beings," paliwanag ni Cory Quirino sa kaniyang programang "Ma-Beauty Po Naman" sa DZMM.

"Kapag ito ay namumugad sa anit, ang infestation ay tinatawag na lice o mga kuto. Ang kuto ay hindi maaaring mabuhay na lagpas sa 30 araw, isang buwan, sa anit ng isang host."

Ayon kay Quirino, may mga natural na paraan upang malunasan ang pangangati ng anit at mapuksa rin ang mga namumugad na kuto.

"Ang pinakamabisang natural na gamot ay sea salt at old-fashioned native vinegar... puwedeng apple cider vinegar, kung wala... pinakamura at pinaka-epektibo ay ang native vinegar," aniya.

"Paghaluin ang isang basong asin, sea salt, sa isang baso ng suka. Ipahid sa anit at basang buhok dalawang beses kada araw, at mawawala din ang kati."

Dapat ding gamitin ang suklay na maninipis ang puwang sa pagitan ng mga "ngipin" nito o bristles para matanggal sa buhok ang mga napatay na kuto.

Dagdag ni Quirino, puwede ring bumili sa mga botika ng over-the-counter shampoo at gamot para sa mga kuto.

Bukod sa paggamit ng asin, suka, shampoo, at gamot sa buhok at anit, dapat ding labhan ang lahat ng unan, punda, kumot, at sapin sa kama ng taong may kuto upang maiwasang pamugaran iyon ng kuto na maaaring maisalin pa sa ibang taong makikigamit ng mga naturang bagay.

Mayroon ding paalala ang isang dermatologist ukol sa kuto.

"Ang kuto pabalik-balik as long as nahahawa," paliwanag ni Dr. Catherine Anne Caoile. "Kapag mayroon tayong mga kamag-anak or kasama sa bahay na may kuto, dapat lahat 'yon iti-treat natin."

Sabi rin ni Quirino, dapat nang magpatingin sa espesyalista kung di talaga nawawala ang kuto.

Nilinaw din ni Quirino na magkaiba ang kuto sa anit o buhok mula sa kuto sa pubic hair at sa balat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.