Ano'ng hanap ng Pinoy sa trabaho, bukod sa magandang suweldo? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ano'ng hanap ng Pinoy sa trabaho, bukod sa magandang suweldo?

Ano'ng hanap ng Pinoy sa trabaho, bukod sa magandang suweldo?

ABS-CBN News

 | 

Updated Oct 21, 2018 08:21 PM PHT

Clipboard

Hindi na lang mataas na suweldo ang tinitingnan ngayon ng mga Pinoy na naghahanap ng trabaho, base sa survey ng isang online jobs portal.

Lumalabas na mahalaga rin para sa mga magiging empleyado ang benepisyong may pakinabang pati ang kanilang pamilya.

Mayroong 900 respondents ang survey ng Jobstreet.com ukol sa hinahanap ng mga manggagawa sa isang trabaho.

Sa bilang na iyan, 86 porsiyento ang nagsabing gusto nila ng "family care leaves" o mga pinayagang bayad na pagliban sa trabaho para alagaan ang pamilya.

ADVERTISEMENT

Puwedeng ang pagliban ay para dumalo sa kaarawan o pagtatapos ng anak ng manggagawa o kaya nama'y para maalagaan ang kaanak na may sakit.

Gusto naman ng mas mahabang paternity at maternity leave ng 80 porsiyento ng respondents.

Ito ang pagliban ng isang ina pagkatapos manganak o kaya nama'y pagliban ng isang ama para sa misis na bagong panganak.

Nais din ng 78 porsiyento ng mga na-survey na magkaroon ng birthday leave, habang 68 porsiyento ang gustong magkaroon din ng marriage leave.

BENEPISYO PARA SA PAMILYA

Bukod sa nabanggit na paid leaves, karamihan sa na-survey na mga Pinoy na naghahanap ng trabaho ay gustong magtrabaho sa mga kompanyang nagbibigay ng health card hindi lang para sa kanila, kundi maging sa kanilang mga kapamilya.

ADVERTISEMENT

Ayon sa survey, 79 porsiyento ang gusto ng health insurance para sa sarili, habang 71 porsiyento ang gusto naman ng health insurance para rin sa dependents.

Tig-67 porsiyento naman ang gusto ng allowance para sa pagkain at flexible work hours o oras ng trabaho na maaaring i-adjust o baguhin.

Gusto rin ng 65 porsiyento na mayroong pensiyon o retirement plan para sa empleyado ang kompanyang kanilang pagtatrabahuhan.

Ayon kay Mark Nichol Turija, marketing communications specialist ng Jobstreet, makikita sa resulta ng survey na maraming Pinoy jobseekers ang isinasaalang-alang ang kapakanan din ng pamilya sa paghahanap ng trabaho.

Sumasalamin din aniya ito sa pagnanais ng mga Pinoy na magkaroon ng work-life balance o ang pagkakaroon ng sapat na panahon para sa pamilya at trabaho.

ADVERTISEMENT

NAIBIBIGAY NA BENEPISYO

Nag-a-apply bilang security guard ang single parent na si Annalisa Sarmiento.

Kailangan niyang isama ang kaniyang anak sa pagkuha ng ilang requirements para sa paghahanap ng trabaho dahil walang ibang magbabantay sa bata sa kanilang bahay.

Kaya naman umaasa siyang ang mapapasukan niyang kompanya ay magbibigay ng paid leaves para kahit nagtatrabaho ay magkaroon pa rin siya ng panahong maasikaso ang ilang pangangailangan ng anak.

Isa lamang si Sarmiento sa mga Pilipinong naghahangad na makapagtrabaho sa mga kompanyang nagbibigay importansiya sa pamilya.

Popular man sa mga Pinoy ang benepisyong saklaw pati ang pamilya, lumalabas din sa datos ng Jobstreet na iilan lang ang kompanyang nagbibigay nito.

ADVERTISEMENT

Tanging 13 porsiyento lang ng respondents ang nagsabing mayroong family care leaves ang kanilang kompanya.

Tingin ng ilang eksperto, mas maganda kung mas maraming benepisyo pa ang iaalok ng mga kompanya para rin sa pamilya ng kanilang empleyado.

Mas magiging ganado rin daw kasi ang manggagawang Pinoy sa trabaho kung mayroon din silang sapat na oras at iba pang benepisyong maibibigay sa kapamilya.-- Ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.