Roy Rodriguez (in white) talks to native Palaw'ans to learn about their alphabet, named "Ibalnan". Photo by Chinee Palatino, ABS-CBN News
Matagal na umanong may matibay na relasyon ang angkan ni Roy Rodriguez sa mga katutubong Palaw'an dahil sa pakikipagsandugo (blood compact) ng kanilang “Panlima” (tribal leader) sa kanyang ama noong 1974, kaya naman ganun na lang umano ang pagnanais nito na matulungan ang mga katutubo, lalo na pagdating sa pagpapanatiling buhay ng kanilang tradisyon at kultura.
Sa kanyang pakikisalamuha sa mga Palaw'an ng Barangay Sarasa, Brooke’s Point, Palawan, napag-alaman nitong mayroon pala silang sariling alpabeto, na tinatawag nilang “Ibalnan.”
Nagsaliksik si Rodriguez sa ilan pang bayan sa Palawan at nadiskubre nitong kakaunti na lang pala ang nakakaalam ng Ibalnan sa tribo.
“So far sa Brooke’s Point, mayroon akong nakita na 3 pang marunong na panay na may edad. Mayroon namang isa from Sandoval, Batarazam marunong pa siya kaya lang ‘di na nakakalakad. I’m afraid mawala sila’t hindi natin mai-record,” ani Rodriguez.
Mayroon din siyang nahanap na Palaw'an sa bayan ng Rizal na marunong magbasa, pero hindi na marunong magsulat ng Ibalnan. Sa kabuuan ay may naitala si Rodriguez na 5 Palaw'an na nakakakilala pa sa sarili nilang alpabeto.
Nasiguro naman umano ni Rodriguez na tama ang kanyang naidokumento, dahil ang isinulat ng ilang Palaw’an sa bayan ng Bataraza ay tumugma sa pagbasa ng mga Palaw’an ng bayan ng Rizal.
Layunin niya ngayong matulungan ang nakababatang henerasyon ng Palaw'an na matutunan ang sarili nilang alpabeto, nang hindi mamatay kasama ng iilang nakakaalam nito.
Pinapurihan naman ng Palawan Heritage Center ang ginawang pagsasaliksk ni Rodriguez, pero nilinaw nitong hindi iyon ang unang pagkakataong naidokumento ang Ibalnan. Nais ngayon ng ahensya na maikonekta si Rodriguez sa National Commission for Culture and the Arts.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, regional news, Ibalnan, Palaw'an, Palawan, alphabet, native alphabet