Museo ng buto ng mga hayop, patok sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2018 01:24 AM

Naka-display ang buto ng iba't ibang hayop sa D' Bone Collector Museum tuwing Lunes hanggang Biyernes. Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Patok na pasyalan sa lungsod na ito ang bagong kumpuni, pinalawak at pinagandang D' Bone Collector Museum sa Barangay 76-A, Bucana.

Mula sa 150 na specimen ng buto, umabot na ngayon ito sa mahigit 8,000 specimen.

Sa unang palapag ng gusali, matatagpuan ang orientation room kung saan makikita ang iba't-ibang buto ng mga hayop gaya ng usa, buwaya at replica ng buto ng dinosaurs.

Naka-display ang buto ng iba't ibang hayop sa D' Bone Collector Museum tuwing Lunes hanggang Biyernes. Claire Cornelio, ABS-CBN News

Sa ikalawang palapag makikita ang mga buto ng land animals, gaya ng Philippine brown deer, iba't ibang breed ng aso, reptiles, freshwater fish at mga insekto.

Mayroon ding kweba sa loob na makikita ang ice-age mammoth bones at ibang fossils, artifacts, bato at minerals.

Sa ikatlong palapag naman naka-display ang mga buto ng mga balyena, gaya ng sperm whale na may habang 41 talampakan, false killer whale, beaked whales at iba pa.

Ang may-ari ng D' Bone Collector Museum na si Darrel Blatchley. Claire Cornelio, ABS-CBN News

Layunin ng may-ari ng museum na si Darrel Blatchley na magbigay kaalaman sa publiko hinggil sa mga hayop sa pamamagitan ng mga butong kaniyang nakolekta.

"When you have such a large collection to be able to use it for the public to show why they are dying but also what even just a simple thing by throwing the garbage in canal, by putting in a pocket or proper disposing, recycling it," ani Blatchley.

Napahanga naman ang mga bisita sa mga koleksyon ni Blatchley.

"Very imformative, very nice for kids and adults. Marami ka talagang matutunan," ani Jen Lansang.

Karamihan sa mga buto na nakolekta ni Blatchley sa Pilipinas ay donasyon lamang, habang ang ibang buto na galing sa ibang bansa ay binili niya.

Bukas ang museo, alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.

Nagkakahalaga ng P80 ang entrance fee sa bata habang P100 para sa adult.

Ang D' Bone Collector Museum ay sinasabing may pinakamalaking koleksyon ng buto at pinakauna sa Asya.