Mayroong sikolohikal at emosyonal na ugat ang pagkakaroon ng bisyo kaya hindi agad ito natatalikuran, ayon sa isang psychologist.
"Most of the time madalas ay nahihirapan ang maraming tao na talikuran ang kanilang mga bisyo pero hindi bisyo ang problema, mayroon pang nasa ilalim," sabi ni Dr. Angelo Subida sa programang "Sakto" ng DZMM.
Isa kasi sa mga karaniwang New Year's resolution o nais baguhin ng mga tao sa kanilang sarili ay ang pagbitaw sa mga bisyo, tulad ng paninigarilyo o pag-inom ng alak.
Ayon kay Subida, ang bisyo ay nagsisilbing sintomas o pisikal na paraan upang maihayag ang isang sikolohikal o emosyonal na suliranin.
"May personalities na nagkakaroon ng addiction...kapag mayroong major tragedy or loss," ani Subida.
Hindi umano naiisip ng mga taong ito na lalong nakasasama sa kalusugan at pangangatawan ang labis na bisyo.
May mga pagkakataon din umanong nagiging matagumpay ang isang tao na iwasan ang bisyo subalit pansamantala lamang ito, na tinatawag na "deescalation."
Ang pagtugon sa "panloob" na suliranin aniya ang susi sa pangmatagalang pagtalikod ng isang tao sa bisyo.
"Nandoon pa iyong psychological root niya inside, naghihintay lang iyon ng another type of circumstance [para] bumalik [ang bisyo]," paliwanag ni Subida.
Ngunit may pagkakataon ding kusang tumitigil ang isang tao kapag naharap na ito sa malubhang karamdaman, tulad ng pagkakaroon ng kanser.
Payo ni Subida, humingi ng tulong para matukoy at masolusyonan ang mga bisyo.
"If you have a big reason to stop, usually yun ang nagiging isang direksiyon para huminto," aniya.
"Sometimes, kapag severe na, kailangan na ng external intervention, iyong iba diyan ay pinapasok na sa hospital o rehabilitation," dagdag ng doktor.
Nagpaalala rin si Subida na hindi agaran ang pagbitaw sa bisyo.
"It's a process hindi siya puwedeng instantaneous," aniya.
Nauuwi lang umano sa deescalation ang agarang pagtigil.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, bisyo, paninigarilyo, alak, smoking, drinking, New Year's resolution, psychology, DZMM, Sakto, Dr. Angelo Subida