'5-minute rule': Kailan hinahatak ng MMDA ang sasakyang ilegal na nakaparada? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Focus

'5-minute rule': Kailan hinahatak ng MMDA ang sasakyang ilegal na nakaparada?

'5-minute rule': Kailan hinahatak ng MMDA ang sasakyang ilegal na nakaparada?

ABS-CBN News

Clipboard

Ilang beses nang nagsagawa ng clearing operations ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Kamaynilaan. Pero, kailan nga ba hinahatak ng MMDA ang mga sasakyang ilegal na nakaparada?

Sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM, ipinaliwanag ng tagapagsalita ng MMDA na si Celine Pialago ang mga hakbang na ginagawa nila kapag nagsasagawa ng clearing operations.

Ayon kay Pialago, kapag dumating ang MMDA sa lugar ay bubusina sila ng limang beses at saka bubusina ulit ng limang beses matapos ang isang minuto.

“Ang nakalagay po doon sa guidelines namin, bubusinahan namin ng 5 beses. Hindi po 5 minutes. Then uulit ka ho ulit after a minute for another na busina. ‘Yun ho ang nakalagay sa guidelines,” paliwanag ni Pialago.

ADVERTISEMENT

“[Ang five minutes na palugit ay] from the time that we arrive, hindi po from the time na narinig mo [ang busina ng MMDA].”

Matapos ito, sisimulan na nila ang operasyon.

Kapag dumating ang driver o may-ari ng sasakyan sa loob ng binigay na oras, bibigyan lamang ito ng tiket at magbabayad ng multa na nasa P500 sa MMDA, mga bangko, o sa Bayad Center.

Sakaling hindi dumating ang may-ari, hihilahin na ng MMDA ang sasakyan.

Dagdag pa ni Pialago, kapag nahila na ang sasakyan at naikabit sa tow bar, hindi na ito maaaring ibalik kahit dumating pa ang driver o may-ari.

“Kapag hinila po natin ‘yong sasakyan, ma’am doon na ho ‘yong hindi na puwedeng ibaba ang tow bar kapag nakakabit na po… Once ho naikabit na ‘yung tow bar natin, hindi na ho iyon puwedeng ibalik kahit po dumating ‘yung driver,” ani Pialago.

Bukod sa mahahatak ang sasakyan, may tiket ding ibibigay at bukod pa ito sa babayaran na minsan ay inaabot ng P4500 hanggang P6000, depende sa layo ng impounding area.

Hindi naman aniya kukuhanin ang lisensiya ng driver ng sasakyan na mahuhuling ilegal na nakaparada dahil ito ay ginagawa lamang sa mga major offense.

Siniguro rin ni Pialago na may koordinasyon sila sa mga barangay kung saan isinasagawa ang clearing operations.

“Ang clearing operations po ng MMDA, once na pumapasok tayo doon sa isang lugar, sa isang barangay road, isa lang po ang sigurado diyan, well-coordinated po ang aming operation.”

Malalaman din aniya na lehitimong operasyon ang isinasagawa kapag nandoon ang mga taga-MMDA, naka-uniporme, at may name plates.

Payo pa niya, huwag pumayag na magpa-tow ng sasakyan kapag walang kasamang opisyal ng MMDA. Maaari lamang aniya hilahin ang sasakyan nang walang MMDA officer kapag nasiraan o may minor accident na nakagagambala sa daloy ng trapiko.

Bahagi ang panayam kay Pialago sa serye ng Usapang De Campanilla na naglalayong magbigay kaalaman ukol sa mga mandato ng ilang ahensiya ng pamahalaan.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.