Sina John Enrico C. Torralba, Dr. Purificacion G. Delima, at Dr. Benjamin Mendillo ng KWF sa Kapihang Wika, tanggapan ng NCCA, Biyernes Hulyo 31, 2015
PAGYAKAP SA MGA WIKANG KATUTUBO
MAYNILA - Maraming magsasabing mas "makabayan" kung tatawaging "Pilipino," sa halip na "Filipino," ang mga Pinoy.
Ito ay dahil na rin sa mas popular na persepsiyon na ang "F" ay banyaga at kolonyal, habang ang "P" ay taal sa ating bansa.
Ngunit sa isang kapasiyahang inilabas nitong Mayo 12, 2015, iginigiit ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gamitin ang "Filipino," sa halip na "Pilipino," sa pagtukoy, hindi lang sa pambansang wika, kundi pati sa "tao at kultura ng Filipinas."
Paliwanag ng KWF, ang paggamit ng "Filipino" ay pagyakap sa mga rehiyonal at katutubong wika, dahil taliwas sa alam ng nakararami, ang "F" ay hindi banyaga.
Sa katunayan, ayon kay Dr. Purificacion Delima, Kagawad ng KWF, ang "F" ay katutubong tunog na ginagamit noon pa man mula sa Cordilleras ng mga Ifugao hanggang sa mga B'laan sa Mindanao.
Sa paggamit ng "Filipino" sa pagtukoy sa tao at kultura ng bansa, ani Delima, hindi lamang natin kinikilala ang mga wikang rehiyonal, kundi pinagyayaman pa natin ang ating pambansang wika.
"Ang pambansang wika ay pinapayaman ng maraming rehiyonal na wika sa ating bansa," giit ni Delima sa Kapihang Wika na isinagawa sa tanggapan ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) sa Intramuros nitong Biyernes.
At kung yaman din lang ng pambansang wika ang pag-uusapan, idiniin ni Delima na aabot na sa 135 wika sa ngayon ang bumubuo sa wikang Filipino, at ang bawat wika na ito ay may 5 hanggang 10 diyalekto.
KASAYSAYAN: 'P' PATUNGONG 'F'
Tagalog ang naging batayan ng pagdeklara noon ng "Pilipino" bilang pambansang wika.
At sa "Balarila" ni Lope K. Santos, dating tagapangulo ng KWF noong 1940's, na nagsulong ng A BA KA DA, ay hindi pa kasama ang mga tunog na F, V at Z.
Dahil dito itinuturing pang mga hiram na titik ang mga nabanggit na tunog – hiram mula sa Espanyol at Ingles.
"Noon kasi ay ibinase lamang ang 'A BA KA DA,' na mayroong 20 na letra, sa salitang Tagalog at hindi isinalin o isinama ang mga wikang katutubo. Tulad ng 'F, V at Z' na mayroon naman pala sa ibang wikang Filipino," ani ni Delima.
Ang resulta, ang "Filipino" at "Filipinas" ay naging Pilipino at Pilipinas nang isalin sa pamantayan ng Balarila.
Subalit sa 1973 Konstitusyon, malinaw na ang transisyon ng Pilipino patungong Filipino, na siya namang ipinagtibay sa kasalukuyang umiiral na 1987 Konstitusyon.
"The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall further be developed and enriched on the basis of existing Filipino languages," nakasaad sa Section 6 ng Saligang Batas.
"Dati kasi tagalog lang ang tinitignan sa abkd, walang katutubo (pero ngayon isinama na ang katutubong letra)," ayon kay Delima.
LEGALIDAD, CONSISTENCY
Kamakailan lamang, iminungkahi ng KWF na palitan ng "Filipinas" ang kasalukuyang pantukoy sa bansa na "Pilipinas" – bagay na naging kontrobersiyal, lalo at maraming institusyon na ang naitatag gamit ang "Pilipinas."
At dahil nga pantukoy ito sa pangalan ng bansa at sa dami na rin ng institusyong gumamit ng "Pilipinas," ayon kay Delima, mangangailangan na ng batas para maipatupad ito.
Subalit hindi ito ang kaso ng pagpapalit ng Pilipino patungong Filipino, ayon kay Dr. Benjamin Mendillo ng KWF, dahil matagal na itong ipinag-uutos ng Saligang Batas, tulad nang naunang nabanggit.
Dagdag pa ni Mendillo, hindi rin basta-basta ang pagpapalit ng "P" noon at may dahilan kung bakit ito ginawang "F."
"Sa 1973 Constitution, sinasabi na na ang wikang pambansa ay Filipino, until 1987. Walang nagreklamo dahil hindi lamang sila sumunod para palitan ang Pilipino sa Filipino kundi dahil may rason kung bakit ito binago," aniya.
"Ignorance of the law," ayon Mendillo, ang patuloy na paggamit ng "Pilipino" habang ang paggamit ng "Filipino" naman ay "demandable" at "overdue for the longest time."
"Kahit sa Baybayin, kung titingnan mo ang 'P' doon ay kahalintuad pa ng Greek 'F,'" dagdag pa ni Mendillo. "Sa passport, 'Filipino' ang nakalagay bilang pagtukoy sa tao hindi 'Pilipino.'"
Bukod sa legalidad, ipinasok din ni Delima ang usapin ng "consistency" sa mga opisyal na katawagan.
Bakit nga naman umano Filipino ang tawag sa wika, habang Pilipino ang tawag sa tao, ayon kay Delima.
"'Filipino' ay ang tao, ang wika, at ang kultura bilang isang pamilya sa pandaidigang kultura na may identical [na kahulugan]," dagdag pa niya.
PAGPAPLANONG WIKA
Aminado naman si John Enrico Torralba ng KWF na hindi madali at biglaan maipapatupad ang mga iminumungkahi ng komisyon, kahit na may legal na batayan at malalim na pananaliksik.
Ito ay dahil aniya sa mga praktis sa paggamit ng wika na nakasanayan ng iba't ibang institusyon.
Bilang tugon dito, magsasagawa ang KWF ng Pambansang Kongreso sa Pagpaplanong Wika mula Agosto 5-7.
Tinatayang nasa 1,000 delagado – na binubuo ng mga guro, tagasaliksik, kagawad ng midya, at iba pa – ang lalahok sa kongresong ito tungkol sa wika, na huling ginawa 70 taon na ang nakalilipas.
Layon ng pagpaplanong ito na matalakay nang husto ang mga solusyon sa suliraning pangwika sa bansa.
"Naniniwala ang komisyon na kasabay sa pag-unlad ng wika ay pag-unlad ng bansa," wika ni Mendillo.
lifetsyle,Newsstand features,update feed,KWF,Buwan ng Wika,Pilipino,language,filipino,Focus,Section Main Story