Birit Queens, bubuwagin na nga ba?

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 03:53 PM

MANILA -- Bubuwagin na nga ba ang grupong Birit Queens ng "ASAP"? 

Ito ang tanong na binigyang linaw ng mang-aawit na si Jonalyn "Jona" Viray.

Nitong Lunes sa press conference para sa kanyang concert na "Prima Jona" na gagawin sa The Theatre at Solaire sa Nobyembre 18, sinabi ni Jona na wala pa silang pinal na natatanggap mula sa "ASAP" tungkol dito.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Maliban kay Jona, kasama rin sa Birit Queens sina Morissette Amon, Klarisse de Guzman at Angeline Quinto.

"Wala pang sinasabi ang 'ASAP' sa amin. Hanggang wala pa po silang final words sa amin ay hindi pa rin ako makapag-comment kung wala na nga ba o mayroon pa. Basta sa ngayon, kasi mayroon din po talaga kaming kanya-kanyang projects individually. May mga significant projects kaming ginagawa sa ngayon kaya baka hindi po muna nagpo-focus as Birit Queens, as a group. So hintayin po muna natin kung ano ang mangyayari," ani Jona.

"Saka parang nagkasabay din po ng Himig Handog season, since nilagay ito sa 'ASAP' kaya nagbigay ng chance po muna," dagdag ng mang-aawit.

Pag-amin ni Jona, narinig niya na rin ang mga sabi-sabi hinggil sa pagbubuwag ng kanilang grupo. "Pero 'yun naman po, wala pong confirmation or wala din pong binabalita from the management," aniya.

Nang matanong naman kung handa na siya sakaling mabuwag ang kanilang grupo, sagot ni Jona: "Siyempre kailangang magpatuloy, kailangang tanggapin, mag-move forward. Ang importante po sa akin is na-establish ang pagkakaibigan naming apat. If ever na hindi na po kami magsama-sama as Birit Queens, I'm sure magsasama-sama pa rin po kami sa mga production number sa 'ASAP' or sa mga special event ng ABS-CBN."

Matatandaang nito lamang Marso 31 ay naganap ang unang concert ng Birit Queens sa Mall of Asia Arena.