Melai at Jason, nagdiwang ng kanilang ika-10 anibersaryo

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2019 11:46 AM | Updated as of Sep 30 2019 11:55 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Nagdiwang ng kanilang ika-10 anibersaryo ang tambalan nina Melai Cantiveros at Jason Francisco sa "Magandang Buhay."

Nitong Lunes, hindi napigilan ni Melai na maging emosyonal sa naging palitan nila ng mensahe ng kanyang asawa.

"Papang, thank you so much for always being there sa ating family. Ikaw talaga ang nagnu-neutralize sa akin kasi iba ang pagkatao ko, talagang outgoing ako at ikaw 'yung nagdidisiplina sa akin para maging seryoso sa buhay. Ikaw ang aking security guard at ikaw ang aking pride," ani Melai.

"Baligtad nga. Ewan ko bakit tayo nagkatuluyan. Ikaw, napakakulit; ako sa totoong buhay ayaw ko ng makulit, gusto ko tahimik lang. Iniisip ko na lang, hindi tayo pagtatagpuin kung walang dahilan at walang rason," ani Jason kay Melai.

"Sabi ko nga talagang araw-araw ilaban. Lalo na tayo artista, ang hirap, lahat pinapansin. May iba't ibang interpretasyon ang tao. Sila hindi naman natin sila kasama sa bahay. Kaya tama 'yung mindset, kasi kapag inisip mo na hindi kayo maghihiwalay, hindi naman talaga, hindi ba? Kaya huwag kang mag-alala. Hindi na 'yon mauulit ulit. Basta lang makinig ka. Hindi ba 'yun lang naman. Lagi niyong isipin kayo pati si Nanay (Virgie) mahal na mahal ko kayo," dagdag ni Jason.

Maliban kay Melai, naging emosyonal din ang ina nito na si Virgie sa naging mensahe ni Jason na iniyakan niya nang pinalayas ito noon ni Melai.

Matatandaang Oktubre 2009 nang magkasama sina Jason at Melai sa "Pinoy Big Brother: Double Up."

Doon sa loob ng Bahay ni Kuya nabuo ang pag-iibigan at tambalan nina Melai at Jason na binansagan ng kanilang mga tagahanga na "Melason."

Matapos ang reality show, nagsimula ang pagsubok sa pagsasama ng dalawa. Dahil sa immaturity at selos, naganap ang unang hiwalayan ng "Melason" na tumagal ng isang taon.

Nagkabalikan ang dalawa nang mapagisip-isip ni Jason na si Melai ang itinadhana para sa kanya.

Matapos nito ay naganap ang pagpapakasal ng dalawa noong Disyembre 2013.

Halos tatlong taon matapos ang kanilang kasal, nabigla ang publiko nang kumpirmahin ni Jason na naghiwalay na silang mag-asawa.

Pero nagkabalikan din naman sila.

"Marami pala kaming pagkakaiba na akala namin ay iisa lang ang aming kagustuhan sa buhay. Noong nasa loob kami ng PBB ay iisa ang aming pananaw. Pero noong nagkasama na kami, ibang-iba. Kaya 'yon hindi kami nagkakasundo sa ibang bagay," ani Jason tungkol sa pangyayari noon.

"At saka kapag nag-aaway kami, talagang bulyawan. Sa text kami (nag-aaway). Hindi kami nag-uusap kasi ayaw naming ipakita sa anak namin. Sagutan kami, 'yung walang nagpapakumbaba sa amin. Bongga 'yung sasabihin niyang kasira-sira, bongga rin ako 'ito ang sa iyo.' Kumbaga nandoon pa kami sa pagkikilanlan, hindi pa namin alam kung ano ba talaga ang relasyon, hindi namin alam ang purpose namin, basta ang alam namin ay nag-asawa kami kasi alam namin mahal na mahal namin ang isa't isa," ani Melai.

"Yun pala hindi rin maganda kasi hindi lang 'yung mahal na mahal niyo ang isa't isa. Dapat pinag-uusapan. Tapos nagkabati, hindi napag-usapan, hindi natapos ang problema. Lagi kaming ganun noon 'yung aming parang nangyayari sa amin tuwing nagkakatampuhan parang nagpapakiramdaman," dagdag ni Jason.

At dahil sa mga pagsubok at aral na natutunan sa nakaraan, mas bukas na ngayon ang komunikasyon ng mag-asawa.

Anila, maliban sa kanilang mga anak, naibalik nila ang kilig ng kanilang pagsasama dahil sa pananalig nila sa Diyos at sa tulong ng lahat ng mga taong nagmamahal at sumusuporta sa kanila.

Samantala, sorpresa ring nagbigay ng kanyang mensahe si Big Brother o Kuya para sa dalawa.

Ayon kay Kuya, masaya siyang makitang nanatiling totoo sina Melai at Jason.

Hanga rin si Kuya sa patuloy na pakikipaglaban ng mag-asawa para sa kanilang pamilya.

"Alam niyo kung ano ang kahanga-hanga sa inyo, kahit sa outside world, iba't ibang hamon man ang dumating araw-araw niyo pa ring inilalaban ang inyong pag-ibig. Kaya naman Melai at Jason patuloy kayong maging inspirasyon sa lahat ng ina, ama at mag-asawa. Happy 10th anniversary, Melason. Deserve niyo ang magandang buhay na tinatamasa niyo," ani Kuya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.