Yassi, excited sa mga darating na pasabog ng 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 11:42 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Marami pa ang mga aabangan sa sikat na primetime serye na "FPJ's Ang Probinsyano."

Sa "Umagang Kay Ganda" nitong Martes, ibinahagi ni Yassi Pressman na hangad ng "Ang Probinsyano" na makapagbigay ng panibagong kuwento.

"Every week, sinusubukan namin na magbigay ng panibagong kuwento, panibagong aral para sa inyo. Ngayong nasa amin na ang presidente, ang daming mangyayari," ani Yassi na ginagamapanan ang karakter ni Alyana, asawa ng bidang si Cardo Dalisay (Coco Martin).

"'Yung mga tini-tape namin ngayon ay makikita niyo agad 'yan tonight, tomorrow. Kaabang-abang talaga, promise," dagdag ni Yassi.

Maliban sa "Ang Probinsyano" na ipinapalabas gabi-gabi pagkatapos ng "TV Patrol," bibida rin si Yassi sa pelikulang "Para Sa Broken Hearted."

"Isa po itong trilogy. Bale tatlong kuwento, limang tao, iba't ibang klaseng pag-ibig at iba't ibang klaseng heartbreak," paliwanag ni Yassi.
 
Samantala, tugma sa tema ng kanyang bagong pelikula, nagbigay payo rin si Yassi sa mga taong nagmahal.

"Para sa mga nagmahal, itodo niyo lang at ibigay niyo lang ang lahat. Para sa akin, ayos lang masaktan basta tunay ang pag-big," ani Yassi.

Ipapalabas ang "Para Sa Broken Hearted" sa Oktubre 3.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.