Magbubukas na muli ang Pinoy Big Brother para sa ika-10 season. ABS-CBN
Matapos pag-usapan sa mga nakaraang araw, kumpirmado ang muling pagbubukas ng pamosong Bahay ni Kuya para sa ika-10 season ng "Pinoy Big Brother."
Inanunsyo na nitong Biyernes ang “bigat10 balita” na muling paghahanap ng bagong housemates ang reality game show na papangalanang “PBB Kumunity Season 10.”
Mahahati sa tatlong “Kumunities” ang nasabing season: celebrity edition, adult edition, at teen edition.
Magsisimula ang audition para sa mga aspiring adult housemate sa Setyembre 1 at tatagal hanggang Setyembre 30. Edad 20-40 ang maaaring sumali sa panibagong yugto ng "PBB."
Samantala, ang mga teenager edad 15-19 ang kwalipikadong sumali sa Teen Edition. Magbubukas ang audition sa Disyembre 1 hanggang 31.
Kagaya sa katatapos na season ng "PBB," sa streaming app na Kumu muli pipiliin ang mga housemate.
Para sa mga nais sumali, kailangan i-download ang Kumu app at gumawa ng sariling account.
Tapos, kailangang gumawa ng isang minutong video clip na magpapakilala at magpapaliwanag kung bakit dapat kang mapili na makapasok sa Bahay ni Kuya.
Unang nagbukas ang “PBB” noong 2005 at nagkaroon na ng 15 edisyon kung saan nanggaling ang maraming Kapamilya stars ngayon tulad nina Sam Milby, James Reid, Melai Cantiveros, Maymay Entrata, Robi Domingo, at Bianca Gonzales.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.