PatrolPH

Sylvia Sanchez, ipinagluluksa ang pagkamatay ng empleyado ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 01:03 PM | Updated as of Jul 24 2020 03:53 PM


MAYNILA -- Ipinagluluksa ng aktres na si Sylvia Sanchez ang pagkamatay ng isa sa mga empleyado ng ABS-CBN na si Mavic Oducayen.

Si Oduyen na matagal nang nagtatrabaho bilang production manager ay naging bahagi ng iba't ibang serye tulad ng "Pamilya Ko" sa ilalim ng RSB Scripted Format.

Nitong Miyerkoles, Hulyo 22, sa pamamagitan ng social media ay kinumpirma ng RSB Scripted Format ang pagkamatay ni Oducayen.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Ruel Santos Bayani Official (@rsbofficial_abscbn) on

"We lost a beautiful soul today. You will be missed, our Kapamilya, Mavic. May you rest in peace in paradise," ani RBS sa caption.

Nitong Biyernes, Huyo 24, sa isang post sa Instagram ay ibinahagi ni Sylvia, na isa sa mga bida ng "Pamilya Ko," ang pakikiramay sa pagkamatay ni Oducayen na huling nakasama niya noong Hulyo 10, nang maganap ang botohan sa Kongreso tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN.

Tuluyang pinatay ng 70 mambabatas ang panukalang batas na magbibigay sana ng bagong prangkisa sa Kapamilya network.

Sa kanyang post, ikinuweto ng aktres kung paano pa nag-alala sa kanya si Oducayen.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Jojo Atayde (@sylviasanchez_a) on

"Nagulat ka noong makita mo ako at ang sabi mo, 'Ibiang, ba't andito ka? Ddelikado sa 'yo! Kakaopera mo lang at kakalabas mo lang ngayon sa hospital.' Tatlong beses mo ako pinipilit umuwi; sabi ko sa 'yo, 'Okay lang Ms. Mavic, kaya ko.' Ang sakit at panghihina ko na galing pa ako sa operasyon pwedeng mawala at makalimutan balang araw, pero ang sakit at konsensya na 'di ko nasuportahan at nasamahan ang pangalawang tahanan ko na naglapag ng pagkain sa pamilya ko ng 27 years at 'di ko nasamahan ang mga Kapamilya ko sa araw ng desisyon ng kongreso ay 'di ko kakayaning dalhin habangbuhay. Ayaw kong pagsisihan 'yan," kuwento ni Sylvia.

"Noong marinig mo 'yong rason ko, sabi mo lang, 'Okay Ibiang, pero uwi ka kagad ha.' 'Di mo ako tinantanan sa pagpapauwi, kulit-kulit mo. Kulang na lang kargahin mo ako papuntang kotse ko, at sabi nating dalawa miss na miss na natin ang isa't isa. Sanay akong bago mag-lockdown magkasama tayo MWF sa taping ng 'Pamilya Ko.' Lagi tayong magkausap, nagtatawanan, nagkukulitan, usap about mga anak natin, bilang ikaw ang production manager ng 'Pamilya Ko.' At sabi ko pa sa 'yo, 'Ms. Mavic, bawal yakap at nagkatawanan na lang tayo," dagdag ni Sylvia.

Ayon kay Sylvia, ikinasama ng loob ni Oducayen ang sinapit ng ABS-CBN at ang pagbabawas ng mga manggagawa kung saan apektado rin ang mga production manager.
            
"Kung alam ko lang na 'yon na pala ang huling araw na makita kita, e niyakap na kita ng pagkahigpit-higpit. After ilang araw isa ka sa nasabihan na mare-retrench. Ikinalungkot, ikinagalit, ikinasama ng loob mo ang nangyari sa ABS-CBN at sa pagkawala bigla ng trabaho mo na iningatan at inalagaan mo sa mahigit dalawang dekada, at isa ito sa naging dahilan kaya ka nawala sa piling namin. Ikaw ang sabi ng sabi, 'Uwi ka, Biang kasi delikado ka.' 'Yon pala ikaw ang delikado Ms. Mavic," ani Sylvia.

Giit ng aktres, hindi sana nangyari ang lahat kung ang umiral ay malasakit sa panahon ng pandemya.

"Ang sakit-sakit, ang lungkot-lungkot. Hindi sana nangyari 'to kung pinairal lang sana ang kunsiderasyon para sa mga empleyadong katulad mo sa gitna ng pandemya," ani Sylvia. 

Samantala, isang Black Friday ang isasagawa sa ABS-CBN bilang pagbibigay-pugay at pasasalamat sa oras at talentong ibinigay ni Oducayen bilang isang Kapamilya. 
 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.