Herbert Bautista at Kris Aquino, matutuloy na nga ba ang pelikula?

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 12:21 PM | Updated as of Jul 16 2019 12:41 PM

MAYNILA -- Matapos ang kanyang tungkulin bilang isang lingkod bayan, planado na ang pagbabalik showbiz ni Herbert Bautista.

Kuwento ng dating Quezon City mayor sa naging panayam sa kanya sa red carpet ng katatapos lang na Entertainment Editors' Choice Awards for Movies, kasama siya ngayon sa scriptwriting workshop ng batikang manunulat na si Ricky Lee.

"Aral tayo para hindi naman nakakahiya," ani Herbert.

Bukod sa scriptwriting, kasado na rin ang isang proyekto na kanyang kabibilangan. "Meron nang paparating, pero ayaw ko muna magsalita kasi baka sumabit," aniya.

At dahil magbabalik-showbiz, isa din sa naitanong kay Herbert kung posible na ba na matuloy ang pagsasama nila sa pelikula ni Kris Aquino.

Matatandaan na si Herbert sana ang leading man noon ni Kris sa Star Cinema movie na "All You Need Is Pag-ibig" ni Antoinette Jadaone.

"Aba bakit hindi? Kailangan ko nga ng trabaho e," sabay tawa ni Herbert.

Masaya din daw ang dating mayor sa napipintong pagbabalik ni Kris ngayong 2019 Metro Manila Film Festival.

“In fact, dapat nasa mainstream siya and I think meron siyang Metro Manila Film Fest (MMFF) that’s good for her,” pahayag pa ni Herbert.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.