Annabelle Rama, may banat sa 'panunuyo' ni Eddie Gutierrez

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 11:59 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Nakakatuwa ang naging tagpo sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes matapos na mapilitang lumabas sa telebisyon si Annabelle Rama para itama ang sinabi ng kanyang mister na si Eddie Gutierrez tungkol sa panunuyo nito sa kanya tuwing sila ay may tampuhan.

Ayon kay Annabelle, siya na lang ang sumusuko para maiwasan na lalong lumala ang kanilang pagtatalo.

"Alam niyo hindi talaga ako guest dito. Gusto ko lang mag-react kasi ang asawa ko nagsinungaling eh. Kapag nag-aaway daw kami sinusuyo niya raw ako, never siyang sumusuyo sa akin. Wala sa kategorya ni Eddie ang manligaw at manuyo, never. Kailangan ako na lang ang su-surrender para magbati na lang kaming dalawa," ani Annabelle.

Sa kabila nang pagtatama sa asawa, naging sweet naman si Annabelle sa pagsasabing maayos ang relasyon nilang dalawa.

"Mabait na siya ngayon siguro kakadasal ko for 48 years. Ngayon lang tumalab ang dasal ko," ani Annabelle.

Para naman sa Araw ng mga Puso, isang "I love you" ang ibinigay ni Annabelle sa kanyang mister.

"Araw-araw naman ang message ko sa kanya. Eduardo, I love you. Sana magtagal tayo ulit hanggang 10 years, kahit matanda na tayong dalawa ay nandiyan pa rin tayong dalawa," ani Annabelle.

Bago lumabas si Annabelle, una nang ibinahagi ni Eddie kung paano sila magkatampuhan ng kanyang asawa at kung paano niya ito sinusuyo.

Naibahagi ito ni Eddie bilang parte ng payo niya para sa anak na si Richard na malapit ng ikasal kay Sarah Lahbati.

"Sabi nga ni Richard, there's no perfect love but there's real love. Tama 'yon. Kasi ang real love you have to work on it. Hindi naman porke asawa mo na ay itatrato mo na ng ibang klase, you have to work on it. At saka kapag nag-away kayo, ako ang ginagawa ko ay umaalis ako. Ngayon si Annabelle kapag nag-aaway kami, kumukuha ng apartment doon siya titira ... mga two, three days lang. ... Siyempre (sinusuyo) alam mo si Annabelle mahirap suyuin 'yan," ani Eddie.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.