Negi at Vice Ganda, may tampuhan nga ba?

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2019 02:17 PM

Binigyang-linaw ng komedyanteng si Negi ang mga usap-usapang may tampuhan umano sila ng "unkabogable" star na si Vice Ganda.

Kasunod ito ng hindi umano pagkakasama ni Negi sa 2018 Metro Manila Film Festival movie entry ni Vice na "Fantastica."

Sa naging pagbisita ni Negi sa "Tonight With Boy Abunda" nitong Huwebes ng gabi, ipinaliwanag niya ang naging tunay na dahilan kung bakit wala siya sa 2018 MMFF movie.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Wala po kaming tampuhan ni Ate Vice, okay po ang relasyon namin. Parang lahat kami sa comedy bar, binibigyan niya ng moment. Tinutulungan niya kami, bawat isa. 'Yung naisama sa movie naranasan ko na po, then sumunod po si Kiray (Wacky Kiray), then si Chokoleit po, kaya nakakatuwa po," aniya.

"Pero 'pag gumagawa po si ate ng movie, kahit wala po kami ay todo suporta po," tugon ni Negi sa "TWBA" host.

Aniya, hindi pa rin siya nawawala sa tabi ni Vice Ganda na kilalang tumulong sa kanyang karera mula sa comedy bar hanggang sa telebisyon.

"Yes, hindi ko po iniiwan ang 'GGV', napapanood pa rin nila ako at andoon pa rin po ako sa tabi ni Ate Vice," pahayag pa ng komedyante.


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.