Ginawang ihawan at lagayan ng cooler ni Vincent Levi Doletin ang isang hindi pa nagagamit na kabaong mula sa kaniyang funeral parlor. Larawan mula kay Doletin.
Naaliw ang netizens sa konsepto ni Bayan Patroller Vincent Levi Doletin mula sa Pigcawayan, North Cotabato na tinawag niyang "coffin-asal."
Ito ay ihawan na gawa sa isang hindi pa nagagamit na kabaong.
Kwento niya, ginamit niya ang isang klase ng kabaong na imported metal casket. Hiningi niya ito sa kanyang kaibigan na gumagawa ng mga ataol.
Para mabuo ang kanyang "coffin-asal”, gumamit sila ng angle bars, stainless round bars, at ply board. Inabot ang paggawa nito ng halos 2 araw.
Matapos mabuo ay agad niyang sinubukang gamitin ito at nag-ihaw ng iba’t ibang ulam tulad ng inasal, kambing at barbeque na umabot sa halos 20 katao ang napakain.
Nakapag-palamig din siya ng kanilang alak mula sa cooler na nakalagay sa kabilang dulo ng kabaong.
“Personal use lang po ito, pero yung mga kaibigan ko kung sakaling manghiram sila ipapahiram ko naman po,” pagbabahagi ni Doletin.
Hindi ito ang unang pagkakataon na lumikha siya ng mga bagay mula sa kabaong.
Nakalikha na siya ng repurposed bookshelf mula sa kabaong at ibinigay sa kanyang kaibigan.
Para kay Doletin, na may ari ng isang punerarya, ang pag-repurpose ng mga kabaong ay ginagawa niya upang alisin ang takot ng mga tao dito.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.