PatrolPH

Mga nais mag-OFW binalaan vs pekeng POEA Facebook accounts

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 07:08 PM | Updated as of Nov 07 2019 07:40 PM

Watch more on iWantTFC

Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kontra sa mga Facebook account na gumagamit ng pangalan ng ahensiya at ng mga opisyal nito para makapag-alok ng mga pekeng trabaho mula sa iba't ibang bansa. 

Ito ay matapos dumami ang natatanggap na reklamo ng POEA na may mga nais mag-OFW na nabibiktima sa mga modus na kumakalat sa social media site. 

Ayon sa POEA, ginagamit ng mga pekeng account ang pangalan at logo ng POEA, pati na rin ang mga litrato ng mga opisyal ng POEA at Department of Labor and Employment. 

Kapag naman dumulog dito ang mga nabibiktima, agad daw silang hinihingan ng reservation o application fee.

Kasama sa nagrereklamo si Clarence Basco, na nabago umano ang kontrata at biglang bumaba ang sahod pagdating sa inaplayang trabaho. 

Babala ni POEA administrator Bernard Olalia, hindi sila nag-a-advertise ng mga trabaho sa Facebook at hindi sila naniningil ng processing fee hangga't hindi pa natatanggap ang aplikante.
 
"Hindi kami nag-a-advertise ng jobs sa Facebook. We do that sa official website," ani Olalia. 

Ayon pa kay Olalia, sa POEA lang maaaring mag-apply kung government-to-government ang inaalok na trabaho. 

Kung idadaan sa isang ahensiya ang aplikasyon, dapat tingnan sa website ng POEA kung lisensiyado ito. 

Nagpaalala rin ang POEA na dapat idiretso sa ahensiyang aaplayan o sa mismong opisina ng POEA ang mga fees na hinihingi. 

Nilinaw din nila na walang online payment ang ahensiya at idinadaan sa cashier ang pagbabayad ng mga fee.  -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.