PatrolPH

'Instagrammable' na keso, puhunan ng isang millennial

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2018 02:54 PM

Watch more on iWantTFC

Sa panahong bawat pagkaing nakahain ay ipino-post na sa social media, tiyak na "Instagrammable" ang itinitindang mozzarella sticks ng isang millennial.

Ayon kay Marydae Hanna Ramos, may-ari ng negosyong Chizmozza, naisip niyang magtinda ng mga produktong gawa sa keso nang makita niya sa social media ang mozzarella sticks.

"And then 'yun naisip ko na parang maganda 'tong negosyo, kasi 'yung mozzarella sticks, ang gandang kuhanan ng pictures, talagang masarap," sinabi ni Ramos sa programang "My Puhunan."

Inaral ni Ramos ang iba't-ibang paraan ng paghahalo ng mga sangkap. Nilagay din niya sa social media ang kaniyang mga produkto.

"Pinatikim ko siya sa parents ko, with the online part naman, nag-shoot ako ng mga products ko, I planned to put up a Facebook page, so nag-shot lang ako ng mga produkto ng Chizmozza, and then may mga nag-inquire kung puwede ba silang mag-order," ani Ramos, na 24 anyos.

Dahil pumatok sa internet ang kaniyang negosyo, naisip ni Ramos na dalhin ito sa mga mall.

"Kinausap ko po 'yung mom ko and then I mentioned to her na malaki nga 'yung kita and marami po talagang tumangkilik kahit online pa lang," ayon sa negosyante.

Nasa P200,000 ang naging puhunan ni Ramos para sa unang branch ng kaniyang negosyo.

"Since bago 'yung brand, kailangan ko pong pag-aralan, pati mga equipment, may mga binili akong iba-ibang equipment para ma-perfect 'yung pagpa-fry ng food kasi nga po cheese ang hirap niyang i-fry dahil madaling mag-melt," sinabi ni Ramos.

Ang mga produktong mozzarella bites at mozzarella sticks ang mga best-seller sa negosyo ni Ramos.

Nakagagawa sila ng 37,800 mozzarella bites at 20,000 mozzarella sticks kada linggo, ayon kay Ramos.

Bukod sa kaaya-ayang itsura ng mga produkto, naaaliw din umano ang mga kostumer sa pangalan ng negosyo ni Ramos.

"Ang dating niya sa mga customer namin, malaki. Kasi usually sila pag napapadaan, 'uy Chizmozza' laging ganon," kuwento ni Ramos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.