Ilang pork vendor sa QC hirap makasunod sa price cap

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2021 02:56 PM

Nagbalik sa pagbebenta ang mga tindero sa Tandang Sora Market, na nag-pork holiday noong Lunes. Pero aminado silang hindi nila masundan ang price cap. Jervis Manahan, ABS-CBN News

MAYNILA - May ilang mga vendor ng karneng baboy sa Quezon City na hirap pa ring makasunod sa itinakdang price ceiling ng gobyerno sa gitna ng problema sa suplay dahil sa African swine fever. 

Nagbalik sa pagbebenta ang mga tindero sa Tandang Sora Market, na nag-pork holiday noong Lunes. 

Pero hirap pa rin silang makasunod sa price cap na P270 hanggang P300 kada kilo dahil hindi umaabot sa kanilang palengke ang mga baboy na pangako ng Department of Agriculture mula Mindanao. 

Galing sa Bulacan ang kanilang nakukuhang suplay. 

Watch more in iWantTFC

Ngayon, nasa P350 ang kada kilo ng liempo sa palengke - mas mataas nang P50 sa itinakdang SRP na P300 para sa liempo.

Nasa P300 naman ang presyo ng kasim at pigue, na P30 mas mataas sa itinakdang P270 price cap. 

Nasa P180 naman hanggang P190 ang presyuhan ng manok - mas mataas nang P20 hanggang P30 sa P160 na price cap. 

Bumalik na sila ngayon sa pagtitinda dahil mahirap naman na wala silang kitain. 

Ganito rin ang problema ng mga nagtitinda sa Balintawak Market. 

Nabebenta nila ng P290 kada kilo ang pigue o kasim. Samantala, nasa P310 hanggang P320 ang kada kilo ng liempo. 

Nasa P180 hanggang P190 rin ang benta nila sa manok. Paliwanag nila, aabot kasi sa P160 kada kilo ang kanilang puhunan mula sa kanilang supplier. 

Patagal nang patagal ay lalong tumataas umano ang presyo ng kuha nila sa supplier. 

Marami rin sa nakausap na tindero ng ABS-CBN News ay nagsabing hindi lahat sila ay nakakatanggap ng murang baboy mula sa DA. 

Ganito rin ang hinaing ng ilang nagtitinda sa Muñoz Market. Hindi umano nila ramdam ang suplay ng baboy na ipinangako ng DA at hindi raw nila masundan ang price ceiling. 

Hindi lumahok ang mga nagbebenta sa Muñoz at Balintawak Market sa price ceiling. 

Magugunitang unang umapela si Nicanor Briones, bise presidente ng Luzon Pork Producers Federation of the Philippines, na dapat i-adjust sa P330 hanggang P360 ang price ceiling sa baboy. 

Matatandaang may kakulangan sa baboy sa Luzon dahil sa African swine fever. 

Ang pagkamatay ng maraming baboy at ang kawalan ng kakayahan na mapunan ang suplay nito dahil sa ASF ay nagdulot ng mga taas-presyo sa merkado at nakaapekto sa maraming negosyo, maging sa mga konsumer. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.