Hindi nagtinda nitong Pebrero 22, 2021 ang nasa 50 chicken at meat vendor sa Murphy Market sa Cubao, Quezon City bilang pag-alma sa ipinataw na price ceiling sa baboy at manok sa Metro Manila. Lyza Aquino, ABS-CBN News
MAYNILA – Nag-holiday ulit o tumigil sa pagbebenta ang mga pork at chicken vendor sa ilang pamilihan sa Metro Manila ngayong Lunes dahil nalulugi anila sila kasunod ng pagpataw ng gobyerno ng price ceiling sa kanilang mga paninda.
Kasama sa mga nakilahok ang nasa 50 nagtitinda ng karneng baboy at manok sa Murphy Market sa Cubao, Quezon City, na titigil sa pagbebenta pati sa Martes.
Ayon sa mga nagtitinda, sinubukan pa nilang magbenta noong nakaraang linggo pero nalulugi na sila dahil bukod pa sa wala silang nakuhang murang supply ng baboy mula sa Department of Agriculture (DA), patuloy rin ang pagtaas ng kuha nila sa kanilang mga supplier.
“Noong una, ayos lang pero noong katagalan tumataas, hindi na kaya. Mas malulugi kami kung magtitinda kami,” sabi ni Warren Mortera, na 5 taon nang nagtitinda ng baboy sa Murphy Market.
“Hindi na kaya ibigay pa ng P270 to P300 [per kilo] kasi sinubukan namin siya, kahit ganoon ang presyo, negative pa rin ang kita namin, talagang wala kaming kinikita,” sabi ng hog dealer at vendor na si Von Ocbena.
Nag-pork holiday din ang ilang vendor sa Commonwealth Market sa Quezon City.
Simula noong Pebrero 8, epektibo ang price cap na P270 sa kada kilo ng kasim at pigi, P300 sa kada kilo ng liempo, at P160 sa kada kilo ng manok sa Metro Manila sa loob nang 60 araw.
Sa Paco Market sa Maynila, nagbabalak namang magsagawa ng 4 na araw na pork holiday ang mga vendor.
Magkakaroon ng pulong ngayong Lunes ang mga tindero at tindera para isapinal ang plano na balak gawin tuwing Biyernes hanggang Lunes.
Sa ngayon, may mga nagtitinda pa ng karneng baboy sa palengke pero idinadaing umano nila ang malaking lugi para lang makasunod sa price ceiling.
Iminungkahi naman ng grupong Pork Producers Federation of the Philippines na i-adjust ang price ceiling na ipinapatupad sa baboy at manok.
Ayon naman sa Manila Meat Dealers Association, makakatulong sa pagbaba ng presyo ng baboy at manok kung ipapatupad ang price ceiling hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong Luzon.
“Mapipilitan ang mga hog raisers na magbaba ng presyo... kasi kung ipipilit nila ang mataas na presyo, buong Luzon ang hindi bibili ng baboy,” ani Ricardo Chan ng Manila Meat Dealers Association.
Ipinatupad ang price cap dahil sa mataas na presyo ng karne sa Metro Manila, na isinisi sa kakulangan ng supply ng baboy bunsod umano ng African swine fever.
Nauna nang kumuha ang Department of Agriculture ng supply ng baboy mula sa ibang panig ng bansa para dumami ang supply sa Luzon.
– May ulat nina Lyza Aquino at Jekki Pascual, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolpH, Tagalog news, pork holiday, chicken holiday, pork vendors, meat vendors, chicken vendors, Murphy Market, Quezon City, bilihin, price cap, price ceiling, agrikultura, Pork Producers Federation of the Philippines, Manila Meat Dealers Association, TV Patrol, Lyza Aquino