Mga magbababoy pumalag sa farm gate price na itinakda ng DA | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga magbababoy pumalag sa farm gate price na itinakda ng DA

Mga magbababoy pumalag sa farm gate price na itinakda ng DA

ABS-CBN News

Clipboard

Naghihiwa ng baboy ang isang vendor sa Mega Q Mart. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

Umaalma ang mga malalaking hog raiser na nalulugi na sila sa itinakdang farm gate price ng Department of Agriculture sa harap ng mga naging taas-presyo sa karneng baboy.

Ayon kay Nicanor Briones, vice president ng Pork Producers Federation of the Philippines, Inc., hindi umano sila kinonsulta ng ahensiya rito.

"Hindi kami pumayag diyan na mga presyo na idinikta lang ni Secretary (William) Dar 'yan eh dahil wala namang consultation sa amin 'yan kung kami ay payag. Lahat dikta! Kunwari siya ay makikipag-usap, makikipagkonsultasyon, pero meron na siyang dalang presyo at 'yun na kaagad ang pinai-implement niya," ani Briones.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ganito rin ang naging hinaing ni Chester Tan, pangulo ng National Federation of Hog Farmers Incorporated.

ADVERTISEMENT

"I'm sure wala pang nakausap ang DA sa Visayas, up to now I'm sure wala pang pumapayag sa Visayas pero nilagay niya na sa MOA niya. Itong Central Luzon, Calabarzon, P170, I'm very sure din na walang nag-agree ang labas nila dito sa kanilang memorandum order. No choice iipitin nila itong mga farm para sumunod," ani Tan.

Sa bagong memorandum ng Department of Agriculture, inilista ang landed cost at transport support ng mga baboy na manggagaling sa kada lugar.

Sa Mindanao, dapat nasa P165 kada kilo ang farm gate price. Ang mga nasa Visayas, Mimaropa, Bicol, Ilocos Region, at Cagayan Valley, dapat nasa P170 kada kilo ang landed cost.

Nasa P180 kada kilo naman dapat ang landed cost sa Central Luzon at Calabarzon.

Sagot naman ni Agriculture Spokesperson Noel Reyes, nakikipag-ugnayan sila sa hog raisers.

ADVERTISEMENT

"Alam na nila 'yan, nagmi-meeting na sila kasi para makuha nga nila 'yung guidelines and paano makubra 'yung transport subsidy. If they don’t agree, hindi sila kasama. Ayaw ba nila 'yung makakabawas sila sa farm gate? Sila ang matatalo dahil 'yung iba nakakapagbenta ng mas mura," ani Reyes.

Matatandaang nagpataw ng price ceiling ang gobyerno sa presyo ng baboy at manok para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga ito. Noo'y umabot ng P400 sa mga pamilihan ang presyo ng baboy dahil sa shortage na dala umano ng epekto ng African swine fever.

Para maibsan ito, may "ayuda" na 10,000 baboy kada linggong ipinangako ang DA. Pero pinabulaanan ito ng mga hog raiser.

"'Pag may surplus talagang ipapadala 'yun sa Luzon. 'Yun 'yung pinaka-support doon. Pero 'yung 10,000 weekly coming from the group of GenSan, or Koronadal Region XII, parang hindi yata kaya 'yun," ani Tan.

"Yan ay nagpe-press release lang para siguro matakot itong magbababoy sa Luzon pero alam na alam naman namin dahil miyembro namin 'yung mga kinausap niya diyan sa South Cotabato, General Santos. Kaya wala, hindi mangyayari 'yun," dagdag niya.

ADVERTISEMENT

Pero ayon sa ahensiya, ito ang ipinangako ng hog raisers. Pero depende pa rin sa populasyon ng baboy kung hanggang ilan lang ang kaya nilang ibigay kada linggo.

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.