How always failing Math led me to finding my purpose 2
AHA! Learning Center president and founder Jaton Zulueta
Culture

Real talk: How constantly failing at Math led me to finding my purpose

Volunteer work changed this educator’s perspective on failure
JATON ZULUETA | Sep 23 2021

Noong high school ako, bagsak ako sa Math every summer. Sabi sa akin ng nanay ko, kung bumagsak ako, hindi niya ako tutulungan. Ang mahal na kasi ng tuition sa Ateneo. Ok naman ibang grades ko, Math lang talaga ang problema.

Ang labo kasi hindi ako cool, o popular, o bad boy katulad ng ibang nagsa-summer. Mahina lang sa Math. Every summer, kailangan kong i-appeal sa adviser ko na hindi ako ikick-out sa school. Every summer, “nagma-Masters” ako for Math. 

Jaton Zulueta
The author in high school.

Nakakababa ng confidence bumagsak lagi. Kaya nung 4th year ako, tanggap ko nang hindi ako makakapasok sa college. Paano, ‘di ba? Muhkang imposible. Lima ang eskwelahang inaplayan ko—marka ng taong walang kumpyansa sa sarili. 

Lumabas ang results ng Ateneo admissions sa araw na nasa retreat ang klase namin. Buong weekend na yun, pinagdadasalan ng mga kaklase ko na makapasa sila sa Ateneo. “Please God, may your will be done.” Ako iba dasal ko, may halong resignment at negotiation—“God, alam ko naman medyo matindi ang mirakulong kinakailangan, pero kung gawin mo akong Atenista ulit, gagawin ko lahat para makatulong sa iba. Kung hindi man Ateneo, ok na ako kahit saan, basta makapagcollege.”

Kaya medyo kalma lang ako nung day of results, akong nag-Masters sa Math. Labo na, ‘di ba? Tumawag ang kapatid ko sa cellphone, umiiyak. “Jaton nakapasok ka, hindi kami makapaniwala.” God is good. Tumatalon daw sina Aina at Drea sa may Blue Eagle Gym. God is good. It’s a miracle. Para sa aming mga bagsakin, parang kiss of heaven yung makapasok sa first try. Yung iyak ko nun internal. Feeling ko humahagulgol ang puso ko. 

Kaya noong college ako, pag summer, tinutupad ko ang pangako ko nang secret—hindi ako babagsak ng isang subject para tuwing summer, makapag-volunteer ako sa Tulong Dunong bilang volunteer teacher. ‘Yan kasi ang kaisa-isang subject, ang outreach sa Ateneo, kung saan lagi akong mataas.

Sa Tulong Dunong summer program, nain-love ako sa pagtuturo. Nakilala ko ang mga magagaling na co-teacher ko, mga magagaling na estyudante. Nakita ko kung gaano kahalaga mag-aral. Hindi pala ako mahina sa Math, maaring tamad lang. Nakita ko din habang nagtuturo ako ang mga iba’t ibang paraan para ako mag-improve. Weird coincidence lang na nakapagturo ako ng high school Math. May Masters nga ako, di ba?

Itong mga experience na ito ay nagbigay lakas ng loob sa akin para magturo, maging makatao, ibigay ang buong buhay ko para makatulong, makapagturo sa iba. 

Jaton Zulueta
Jaton during his early years of volunteer work to running a center that offers free after-class programs for public school students.

Naalala ko ‘to dahil ang malaking naituro sa akin ng Ateneo de Manila University ay ang pagkita ng kamay ng Diyos sa lahat ng nangyayari sa akin. Sixteen years ako nag-aral dun, ngayon ko lang nagets kung kelan 36 na ako. May grace pala ang pagbagsak ko dati. May tinuturo pala sa akin ang Diyos nung binigyan ako ng pagkakataon na tumulong. Dahil nangyayari ako, ika nga sa Philo (because I’m always changing, always happening) laging may pagkakataong magbago o magsimula muli.

Iniisip ko ang pangako ng Tulong Dunong lately, sa kabila ng maraming failures na nangyari sa buhay ko. Pinapaalala sa akin na kahit na may failure, hindi ibig sabihin na failure ako. Pinapaalala sa akin na sa bawat mahirap na karanasan, meron lagi tayong pagkakataong tumulong sa iba. Pinapaalala sa akin na kapag ginagamit tayo ng Diyos na maging liwanag sa iba, tayo ay naliliwanagan din. Salamat sa aking pinaggalingan, hanggang ngayon natututo pa din ako.

[Jaton Zulueta is the president and founder of AHA! Learning Center, a non-profit organization that offers free after-school learning programs to public school kids.]