Photo from ABS-CBN News
Culture Spotlight

Martial Law baby

An activist and journalist from the years of Marcos’s military rule tells her story of raising a child during the country’s darkest hours
Sol F. Juvida | Sep 21 2019

Tatakas ako at ang aking anak, ito ang nasa isip ko noon kapag dumilim na at nag-umpisa na ang curfew. Kapapanganak ko lang sa aking panganay at ang bawat gabi ay may dulot na kaba sa aking dibdib.

Kadedeklara lang ng batas militar. Tatatlong buwan pa lang ang sanggol ko. Nag-uumpisa pa lang na magpamilya, wala kaming inipong pera ng asawa ko. Wala kaming mapag-urungan. Isa akong aktibista noon at estudyanteng peryodista sa radikal na pahayagang pang-kampus ng Philippine College of Commerce (PCC), Ang Malaya. Tatlong subjects na lang at gradweyt na ako nang abutan ng batas militar. 

Walang kasiguruhan ang aming kalagayan noon. Maaaring hulihin kami ng militar anumang oras. 

More about Marcos and Martial Law:

Gayunman, tahimik na tinanggap naming mag-asawa ang balitang ibinaba na ni Ferdinand E. Marcos, ang pangulo noon, ang batas militar. Nagpasya kami na makiramdam at manatili sa maliit na kwarto na inuupahan namin sa likod ng isang bahay sa Marikina.

Isang maliit na bag na may mga damit naming tatlo ang una kong inihanda. Walang makakapagsabi kung kailangang umalis kami ng madalian. 

Pinaghandaan ko rin kung paano makakaiwas sa militar sakaling makarating sila sa lugar namin. Sagad sa bakod ang kwartong tinutuluyan namin at ang kabila nito ay kapitbahay na. May nakita akong mga lumang gulong ng kotse na nakatambak sa tabi ng bakod. Naisip ko na maaari kong gamitin ang mga ito na lundagan sa pagtakas sa kabilang bahay. 

A spread from the book Not On Our Watch. Women fought for press freedom in the streets, while others wrote for underground publications.

Inayos ko ang mga ito at pinagpatung- patong. Tiniyak ko na hindi ito matutumba kung sakaling tapakan o lundagan. 

Pinaghandaan ko rin ang isusuot na damit kaya natutulog ako noon na naka-pantalon at ang bulsa ay may lamang pera—pamasahe namin kung sakaling tatakbo. 

Parang sa pelikula, minsan ay may mga eksenang tumatakbo sa isip ko. . . pagkatok pa lang ng militar sa tarangkahan ay bibitbitin ko ang bag, kakalungin ko ang sanggol, at lulundag ako sa kabilang bahay. 

Ni hindi ko na naisip na baka hindi ko kayang lundagin ang pader. 

O kung saan kami pupunta ng anak ko sa dis-oras ng gabi na may curfew pa. 

O paano kung umiyak ang anak ko at matunugan ito ng militar. 

Sa dilim ng gabi, sa aming kama, hindi ko maiwasan na kabahan at mag-isip, paano na kaya ang aking sanggol? 

Makaraan ang tatlong buwan, magpapasko na, wala pa ring naliligaw na militar sa amin. Nakaramdam ako ng ginhawa, lalo na't lumalaki at bumibilog ang aking anak. Kahit puno ng tensiyon ang paligid, ang anak ko naman ay lumalaking malusog at masigla. 

Malago ang itim niyang buhok na kumukulot habang humahaba. Wala na siyang leeg na makita dahil sa taba. Lawit na parang magang pandesal ang kanyang mga pisngi. Tabatutot ang tawag sa kanya ng mga kasama.

 

IKALAWANG PAG-UPO ni Marcos bilang pangulo ng bansa nang lumipat ako sa PCC (Polytechnic University of the Philippines na ngayon) noong 1969. Galing ako sa sarado-Katolikong unibersidad, ang University of Santo Tomas. Habol ko noon ang kursong advertising sa PCC. 

Mahilig akong magsulat noon kaya't nag-aplay akong maging reporter ng Ang Malaya. Agad naman akong natanggap. 

Hindi rin nagtagal at napabilang ako sa hanay ng mga aktibista sa kampus. Hindi naman kasi noon mahirap desisyunan ang maging aktibista. 

Nasa "pinakamainit" na kampus ako na sentro ng aktibismo at isa akong estudyanteng peryodista ng pinaka-radikal na dyaryo sa university belt. 

Maliit, luma ang gusali ng PCC na nasa gitna ng mga restawran at boarding house sa Lepanto. Pero nang panahong 'yon, isang malaking larangan ng aktibismo ang kampus laban sa kahirapan, karahasan ng militar, at paninikil sa mga karapatang pantao. 

Kapag may malakihang rali noon, ang makitid na kampus ay nagiging isang malaking sona ng mga aktibista. Nagkalat ang mga streamer at doon sa makipot na pasilyo ng kampus ginagawa ang mga plakard. Paminsan-minsan, may maririnig na sagutan ng kanta ng mga aktibista.

Kapag weekend naman, "fully booked" ang mga silid-aralan sa PCC sa magkakasunod na "DG" (discussion group) at mga miting ng mga aktibista. Sa mga "DG" na ito nakilala ko sina Mao Tse-tung, Karl Marx, Engels, at Lenin, pati na si Amado Guerrero. 

Memoryado at kaya kong ipaliwanag sa isang "DG" ang kahulugan ng baligtad na piramid ng lipunan. Nakararaming mahihirap sa tungki ng piramid at ang kakaunting mayayaman sa malapad na itaas nito. 

Walang araw na hindi labas-masok sa tanggapan ng pahayagan namin ang mga estudyante. Hindi ko matandaan na naging malinis ang palaging maalikabok na yari-sa-kahoy na sahig nito. 

Kapag may rali naman, karaniwan nang may espesyal na labas ang dyaryo namin. Magdamagan kami sa presswork, sa imprenta ng Liwayway sa Arroceros, para tapusin ito. Kinabukasan, parang hotcake na ipinapamahagi namin sa mga estudyante ang dyaryo na ang masthead ay isang babae na nakalugay ang mahabang buhok at may hawak na AK-47, isang mahabang baril na gawa sa Russia. Nang tumindi ang karahasan ng rehimeng Marcos, naging target ng reyd ang kampus ng PCC. Isa sa matinding reyd na naganap sa kampus ay noong ilang buwan pagkatapos ng First Quarter Storm noong 1970. Tinapunan ng teargas ang kampus, hinalungkat ang mga gamit, at inakyat ang mga kisame sa paghahanap ng subversive documents.

Nang ibaba ang Batas militar noong Setyembre 21, 1972, libu-libo ang ipinahuli at ipinakulong ni Marcos, kasama ang progresibo at oposisyon na pangulo ng PCC, si Dr. Nemesio Prudente. Nag-underground naman agad ang ibang editor at reporter ng Ang Malaya

Nang araw na ipinasara ni Marcos ang kampus, mistulang sementeryo sa katahimikan ang kahabaan ng Lepanto.

 

HANGGANG SA MAGPAPASKO, taong 1972, patuloy pa rin kaming nakikiramdam at nagmamasid. 

Pagpasok ng bagong taon, maliwanag na hindi kami "mainit" at maaari na kaming mamuhay nang legal. Naghanap na kaming mag-asawa ng trabaho. Si Dominador "Doming" Mirasol (yumao na), isang premyadong makabayang nobelista at propesor sa PCC, ang nagbigay sa amin ng sideline. 

Nang araw na ipinasara ni Marcos ang kampus, mistulang sementeryo sa katahimikan ang kahabaan ng Lepanto.

Ipinasara ni Marcos ang mga dyaryo pero pinabuksan niya agad ang mga komiks. Naglagay nga lang siya ng "censors" sa mga ito. 

Si Doming ang isa sa mga "censors" o taga-rebyu ng mga komiks na dapat daw ay naaayon ang nilalaman sa diwa ng New Society. Lingid kay Marcos, kaming mga aktibista ay kabilang at nagpapanggap na "censors" ng mga komiks. 

Naglabasan din ng taong 'yon ang mga underground na dyaryo ng kilusan—Balita ng Malayang Pilipinas (BMP), Taliba ng Bayan, at Liberation. 

Sa Tagalog na dyaryo ng kilusan, sa Taliba ng Bayan, ako napabilang na correspondent. Kasama ko dito ang mga batikang peryodista at manunulat na mabilis na nakapag-underground kaya hindi nahuli. 

Galing sa iba't ibang correspondent sa mga lalawigan ang mga balita na inilalabas namin sa Taliba—armadong labanan sa pagitan ng NPA at militar, kilos-protesta ng mga manggagawa, mga karahasan ng militar sa mamamayan, tortyur at pagpatay sa mga aktibista, at iba pang balita na hindi inilalabas ng diktadurang Marcos. 

May sariling editorial artist ang maliit na dyaryo at may magagaling na editor at reporter, kaya makinis at propesyonal ang porma nito. 

Parang nag-o-opisina, may mga araw na "pumapasok" ako sa underground, "UG" house, para magsulat ng balita, magmakinilya ng mga ito sa stencil paper, at makipagmiting sa mga kasama. May araw din na kahit pamamalengke para sa mga kasama sa UG ay ginagawa ko. 

Tagahatid din ako ng kopya ng Taliba sa isang piling UF (united front) o kaalyado. Para naman sa pamilya ng mga kasama sa UG house tagahatid ako ng palitan ng sulat nila. Ako rin ang tagakuha ng pagkain na padala ng kani-kanilang pamilya. "Daisy," UG name ko, ang tawag nila sa akin noon. 

May pagkakataong may mga anak ng mga kasama ang dumadalaw sa UG house. Paminsan-minsan din ay isinasama ko ang anak ko doon. Kolektib ang gawain sa loob ng UG house, pati na ang pag-aalaga ng mga anak. May toka ang mga kasama sa pag-aalaga sa bata. Pati pagpapalit ng lampin ay organisado—may nakahanda kaming isang timba na may tubig at sabon para nakababad agad ang maduduming lampin. 

Ilang beses kami noon na palipat-lipat ng UG house para umiwas na uminit ang lugar. Trabaho ko rin noon na maghanap ng bahay na malilipatan. Naka-limang bahay kaming nilipatan sa loob ng dalawang taon lang. 

Taong 1974 nang magkasunod na mahuli ang dalawang haligi ng Taliba—isa na ang editor namin. Bugbog-sarado ang dalawa sa kung anu-anong tortyur na ginawa ng militar sa kanila—hanging bridge, water cure, kuryente. 

Ilang araw din na hindi mawala sa isip ko ang sinapit ng dalawa. 

Kaming mga naiwan sa UG house ay walang magawa kundi umiyak ng tahimik at ipagpatuloy ang aming mga gawain. 

Ayokong sabihin na masuwerte ako at hindi ako nahuli, o nainterogeyt, o natortyur at nakulong noon. Marami akong kasama at kaibigan na nakaranas ng ganitong mga mahirap na pagsubok. 

Kung may swerte man na dumating sa buhay ko noon ay ang hindi ko pagkakawalay sa aking anak. Maraming kasama sa kilusan na nag-underground ang nag-iwan ng mga anak sa biyenan o magulang o sa ibang pamilya. 

May mga anak pa noon na napunta sa kamay ng militar kapag nahuli ang magulang sa underground na may kasamang anak.

Tatlong taon na ang anak ko noon, lumalakad na. Sanay siya na nakakakita ng iba't ibang mukha ng mga kasama. Minsan nagmiting sa makipot na kwarto namin si Tony Zumel at dalawa pang kasama, tuluy-tuloy lang na naglalaro ang anak ko sa ibabaw ng kama. 

Nakasakay ang anak ko sa isang maliit na plastik na aso na ang tawag niya ay "yeye." Paikut-ikot siya sa ibabaw ng kama na hindi mo maringgan ng kahit anong reklamo. Tuwang-tuwa si Tony, disiplinado raw pala ang anak ko.

 

TUSO TALAGA ANG DIKTADOR at kabisado niya ang kapangyarihan ng mass media. Kinabukasan matapos ideklara ang batas militar, ang unang Letter of Instruction na ipinalabas niya ay nag-aatas sa kanyang press secretary at defense secretary na kunin at kontrolin ang mass media. 

Isa-isang pinabuksan ni Marcos ang mga ipinasarang dyaryo pero tiniyak niyang kontrolado niya ang mga ito. Pawang mga kamag-anak at kaalyado ang itinalaga niyang publisher ng mga ito. 

Ang pinakamalaking kumpanya noon ay ang Bulletin Today na may tabloid sa Pilipino, ang Balita. Dito ako natanggap na correspondent noong 1976. 

Wala na ako noon sa Taliba ng Bayan. Pero kabilang ako sa itinayo naming grupong underground na binubuo ng mga peryodista na ang pangunahing layunin ay ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag. 

Bago pa man alisin ang batas militar noong 1981 ay nag-umpisa nang uminit ang kalagayan sa pamamahayag. Sapilitang pinagresayn noon ang editor ng Philippine Panorama magazine, si Letty Magsanoc. Nagalit si Marcos sa artikulong sinulat ni Letty ukol sa ikatlong inagurasyon niya bilang pangulo. 

Inalis ang batas militar noong taon ding 'yon at ang New Society ay pinalitan ni Marcos ng New Republic. Naging hudyat ito sa maigting na pakikibaka para sa kalayaan sa pamamahayag ng mga sumunod na taon. 

Nakalipat na ako noon sa bagong tatag na tabloid, ang Tempo, na pag-aari ng Bulletin. Paisa-isa ay nakakapaglabas na kami noon ng mga istorya na naglalantad ng kabulukan at kawalang-katarungan ng New Republic. 

Maging ang National Press Club ay muling nabuhay at naibalik ang taunang eleksiyon ng mga opisyales nito. 

Kami namang mga babaing peryodista ay nagtayo ng isang organisasyon, ang Women Writers in Media Now (WOMEN) noong Oktubre 1981. Naging daluyan ang organisasyon ng mga talakayan ukol sa pagsusulat hanggang sa lumahok na ang grupo sa kampanya at protesta sa kawalan ng malayang pamamahayag. 

Nasa Grade 3 na noon ang anak ko, siyam na taong gulang na at mahilig magdrowing. Mabilis ang buhay ng isang reporter na tulad ko na abala sa pagkokober ng mga istorya, pagdalo sa walang katapusang miting, pag-oorganisa, at pag-aalaga sa anak. 

Naging mainit ang militar sa mga reporter, kolumnista, at editor na miyembro namin nang gawin nilang paksa ang mga istoryang bawal pa rin sa Bagong Republika ni Marcos. 

“Brinkmanship" ang tawag noon ni Joker Arroyo ng Free Legal Assistance Group (FLAG) sa "panunulay sa alambre" ng mga peryodistang babae at pagsubok kung hanggang saan ang limitasyon ng peryodismo sa ilalim ng New Republic. 

Hindi nagtagal, bumanat na ang rehimeng Marcos. Nireyd ng militar ang opisina ng pahayagang We Forum, nangungunang alternative press noon. Hinuli at ikinulong ang makabayang publisher at peryodista na si Joe Burgos at sinampahan ng demandang subersibo. 

Kaming mga kababaihang peryodista ang nanguna sa mga nagpahayag ng protesta sa nangyari. Bilang suporta kay Joe, dumalo kami sa mga bista na nakasuot ng bistidang itim, simbolo ng pagluluksa sa pagpapasara ng We Forum at pagpapakulong kay Joe. 

Suot din ang mga itim naming bistida, lumahok kami sa rali noong Human Rights Day, Disyembre 10, 1982. Nagpiket kami sa harap ng Camp Aguinaldo at namahagi ng aming statement of protest na nagsaad na isang paglabag sa saligang karapatan ng malayang pamamahayag ang ginawa nila sa We Forum at kay Joe. Binasa namin ito sa harap ng geyt at ipinadala sa loob ng kampo. "Free the Media" at "Press Freedom is a human right" ang nakasulat sa streamer na dala naming kababaihan. 

Pero hindi rin pala palalagpasin ni Marcos ang ipinamalas na katapangan ng mga babaing peryodista. Matatapos na ang taon, Disyembre 1982, nang mag-umpisang dumating sa grupo ang mga "imbitasyon" na galing sa National Intelligence Board, Commission No. 2, na pinamumunuan ng AFP Chief of Staff Gen. Fabian Ver.

May mga babaing peryodista, kasama ang ilang miyembro ng WOMEN, ang pinadalhan ng imbitasyon na may tono ng pananakot. 

Magpapasko na nang isa-isang humarap ang limang babaeng peryodista sa mga opisyal ng militar: sina editor Domini Torrevillas-Suarez at staff writer Lorna Kalaw-Tirol ng Philippine Panorama, Ma. Ceres P. Doyo at Jo-Ann Q. Maglipon na mga contributor sa Panorama, at Arlene Babst na kolumnista ng Bulletin

Sa loob ng limang oras o mahigit pa ay mistulang interogasyon ang ginawa sa kanila ng labing-apat na mga opisyal ng militar. May mga tanong ukol sa personal na buhay nila, trabaho, paniniwala, at kung bakit at paano sila nagsusulat ng mga subersibong artikulo, kung coded daw ba para sa mga rebelde ang kanilang sinusulat. 

Pebrero 1,1983, naghain kami, nasa 29 na peryodista, ng petisyon para sa preliminary injunction upang pahintuin ang militar sa pagpapadala ng imbitasyon at interogasyon. 

Hindi naging madali ang pagpapapirma sa petisyon. Mahirap din noon na desisyunan na maging kasangkot sa kaso na mga opisyal ng militar ang babanggain. Nagkaroon ng mga pagtatalo at mga miting bago natapos ang petisyon sa tulong ng Mabini lawyers. 

The opening spread of Juvida’s story from the book, Not On Our Watch shows a photo of her today, and as a reporter in the 70s.

Ang mga pumirma sa petisyon ay sina Arlene Babst, Sylvia Mayuga, Melinda Quintos-de Jesus, at Ninez Cacho- Olivares, mga taga-Bulletin Today; ako at si Norma Japitana ng Tempo; Domini Torrevillas- Suarez, Lorna Kalaw-Tirol, at Sheila S. Coronel ng Panorama; Cielo Buenaventura, Pennie Azarcon-dela Cruz, Alex Dacanay, Margarita Logarta, Elizabeth Lolarga, Alexander Magno, at Horacio Paredes ng WHO magazine... 

Corazon Fiel at Daisy Mandap ng Weekend magazine; Letty Jimenez-Magsanoc ng Mr. & Ms. magazine; Rene Villanueva ng Diliman Review; Marites Danguilan Vitug ng Business Day; Ma. Ceres Doyo, Jo-Ann Q. Maglipon, Amadis Ma. Guerrero, Paulynn P. Sicam, Cynthia Nograles, Rochit Tañedo, Odette Alcantara, at Ave Perez Jacob, mga freelance writers. 

Nagulat na lang kami nang biglang nagpahayag si Solicitor General Estelito Mendoza na "moot and academic" o bale wala na ang nasabing petisyon dahil binuwag na raw ang Commission No. 2. 

Hindi pa pala doon nagtatapos. Nagsampa ng apat na demandang libel sa halagang P10 milyon bawat isa ang mga heneral laban sa apat duon sa limang ininterogeyt na peryodistang babae.

Sa gitna ng mga panggigipit na ito, nagawa pa ni Marcos na ideklarang "National Thanksgiving Day" ang petsang Setyembre 21. Pero maski ang anak ko ay hindi kumbinsido. Para sa kaniya, "martial law" pa rin ang petsang iyon.

 

KALAGITNAAN NA NG TAONG 1983, Agosto 21, nang mangyari ang hindi inaasahan—binaril sa tarmac si Ninoy Aquino, ang kalabang pulitikal ni Marcos. Si Marcos din ang pinagsususpetsahang utak nito, pero hanggang ngayon ay wala pa ring linaw ang kaso. 

Nagawa pa ni Marcos na ideklarang "National Thanksgiving Day" ang petsang Setyembre 21. Pero maski ang anak ko ay hindi kumbinsido. Para sa kaniya, "martial law" pa rin ang petsang iyon

Inabot ng halos labindalawang oras ang funeral march para kay Ninoy at maghapon kaming nakabuntot dito, kasama ang libu-libong taumbayan. Naroong maglakad kami sa ulanan kasama ng marami, naroong makisakay kami sa isang malaking trak na para sa mga peryodista. Wala nga lang bubong ito at wala ring upuan. 

Alas diyes ng umaga nang mag-umpisa kami sa Sto. Domingo Church at dumaan sa Rotunda, tuloy sa Quiapo at Liwasang Bonifacio, sa Roxas Blvd., sa South Superhighway, hanggang sa Sucat Interchange. 

Habang-daan ay nagliliparan ang mga inihahagis sa amin na confetti mula sa nadadaanang bahay at gusali. Umaalingawngaw kahit saan ang sigawan ng mga tao ng "Ninoy, Ninoy," at "Hindi ka Nag-iisa." Tumigil lang sandali ang martsa sa may Luneta para magtanghalian, pero marami rin sa amin ang hindi nakakain. 

Alas singko na ng hapon nang dumating kami sa Sucat Interchange na basa sa ulan, putikan ang mga paa, at gutom na gutom. 

Sa mahabang mga taon ng paghahari ni Marcos, noon lang ako nakakita ng ganoong karaming tao. Mula sa isang milyon ay nadagdagan pa ito pagdating sa paglilibingan. 

Pero laking dismaya namin kinabukasan nang hindi lumabas ang aming mga istorya. Naglabas ang Bulletin ng istorya pero ang sinasabing dami ng tao ay ilang libo lang. 

Sa Special Edition ng Mr. & Ms. inilabas ng publisher nito, si Eugenia Apostol, ang mga litrato at totoong istorya ng funeral march ni Ninoy. Naging lingguhang magasin ang Mr. & Ms. Special Edition, at si Letty Magsanoc ang naging editor. Nanguna ang magasin sa tinatawag na mosquito press noon na palaban kay Marcos.

Sa eskuwelahan naman ng anak ko, lahat ng report daw nila sa Grade 5 ay ukol sa nangyari kay Ninoy. Malungkot daw ang titser nila at ang mga security guard ay mahigpit na naman. 

May mga kaklase raw siyang pumunta sa bahay ni Ninoy at ang dami-dami raw ng tao. Mas marami pa raw ang mga tao kaysa pulis, sabi niya. Pero may mga kaklase raw siya na aalis na ng Pilipinas dahil sa nangyari kay Ninoy. 

Tanong niya kung may martial law na naman ba. 

Sa National Press Club naman, nag-iba ang ihip ng hangin nang manalong pangulo ang progresibong si Antonio Nieva (yumao na) ng Bulletin Today. Nakapagtayo kami ng mga komite para sa kapakanan at karapatan ng mga peryodista, gayundin sa kampanya sa kalayaan sa pamamahayag. 

Sa unang pagkakataon ay nakapagdaos kami ng programa ng Press Freedom Day at nakapag-organisa ng isang rali na sama-sama ang mga taga-dyaryo, telebisyon, at radyo. Nang gabing 'yon, dala ang mga sulo, umikot sa paligid ng Intramuros ang mga peryodista na nagkaisa laban sa diktadura ni Marcos. 

Nadagdagan pa ang mosquito press, kabilang ang Philippine Signs na saglit na hinawakan ko ang Pilipino section. Matapos palayain si Joe, naging kolumnista naman ako sa We Forum. 

Hindi naman pahuhuli ang anak ko sa mga nangyayari sa paligid. Kasama ang mga kalaro sa kapitbahay ay gumawa sila ng isang dyaryo at magasin. Ang anak ko ang tumayong publisher, editor, reporter, at artist pa ng dyaryo na ang pangalan ay "Tampo," bilang pahapyaw sa Tempo. Gumawa din siya ng magasin na ang tawag ay Walastik

May labing-anim na pahina ang Walastik. May isang pahina ng balita sa panalo ng magkakalaro sa basketbol, may isang pahina rin ng interbiyu sa ika-anim na bertdey ng kapitahay na si Alab, may tig-iisang kolum ang magkakalaro, may classified ads pa, at sa staff box ay may nakasulat na "published kung may oras lang." 

Marunong na palang magsulat ang anak ko at sensitibo sa mga nangyayari sa paligid. Isa sa mga sinulat niya ay ang "If I were president": 

“If I were president, there will be no martial law, dictatorship or any rules like Amendment No. 6. There will be clean and honest elections. I will not allow any country to install nuclear plants, bombs and bases here. There will be no political detainees, people have the right to be free. 

“People in the media can tell and write about the truth. Today some stories about the President are being censored. Some are afraid to know the truth like the Agrava Fact Finding Board."

 

PEBRERO 25, 1986, nagtapos ang isang malaganap na People Power na nagpatalsik kay Marcos. Nadestiyero siya sa Hawaii. Nasa harap ako ng geyt ng Malacañang nang wasakin at pilit pasukin ito ng mga tao. Magulo ang bakuran, nagkalat ang mga papeles, kasangkapan, at kung anu-ano sa lahat ng sulok ng Palasyo. Labas-masok naman ang mga tao na ang mga mukha ay nagdedeliryo sa tuwa. 

Wala na ang diktador sa Malacañang! 

Tinedyer na ang aking martial law baby nang magwakas ang lahat. Edad katorse, second year na siya sa high school noon. Mahilig pa rin siyang mag-drowing at magsulat at naging editor, sports columnist, at editorial cartoonist ng dyaryo pangkampus. At may kapatid na rin siya na ang pangalan ay Malaya.

 

Published here with permission. From the book Not On Our Watch (Martial Law Really Happened. We Were There), a collection of personal stories about Martial Law as written by former members of the College Editors Guild of the Philippines. Edited by Jo-Ann Q. Maglipon and published by the Publications Group, LEADS-CEGP 6972 Inc. (League is Editors for a Democratic Society—College Editors Guild of the Philippines 1969-1972). 

Sol F. Juvida was the literary and news editor of Ang Malaya, the student organ of the Philippine College of Commerce (now Polytechnic University of the Philippines or PUP), from 1969 to 1972. As a reporter for Balita from 1976 to 1980, she covered the education, labor, and health beats. She was an editor at Manila Standard-TODAY and at Malaya Publications of the late press-freedom fighter Joe Burgos. Sol has written for the Philippine Center for Investigative Journalism and has been a lecturer at the Filipino Department of U.P. Diliman's College of Arts and Letters. She has won a Palanca Awardas an essay writer, and in 1986 was named a distinguished alumna of the PUP for vernacular journalism. Her essays and special reports have been anthologized in several books, while her first book of fiction/ nonfiction, Pinay, was published in 1995. In the home she shares with her husband Al Mendoza, she has an organic garden and a yoga studio. Sol and Al have two children, Alfonso Jr. and Malaya; and five grandchildren—Mayo, Dada, and Miguel Mendoza; and Maya and Ilak Sadiwa.