Libingan ng mga biktima ng bagyong Ondoy, walang dumadalaw

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 12:57 AM | Updated as of Nov 02 2017 02:02 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Maulan buong araw ng Miyerkoles, Nobyembre 1, pero may mga pinilit pa ring makabisita sa mga yumao nilang mahal sa buhay sa Barangka Cemetery sa Marikina. 

Tinatayang 50,000 nitso ang nagsisiksikan sa dalawang hektaryang sementeryo kaya may mga pagkakataong pahirapan ang paghahanap ng puntod.

Doon din makikita ang mass grave ng ilang namatay sa Bagyong Ondoy.

Sa pagitan ng dalawang apartment ng mga nitso, halos hindi mapapansin ang maliit na lapida na may nakasulat na "Ondoy Victims."

Walang bumibisita sa mga ito dahil wala ring pagkakakilanlan ang mga nakahimlay sa nasabing nitso. 

Hanggang ngayon kasi, wala pa ring umaangkin sa mga bangkay.

Tingin ng pamunuan ng sementeryo, galing sa ibang lugar ang mga biktima.

Sa kabila nito, kumpleto sa mga papeles at records ang pamunuan ng Barangka para sa nais magtanong. 

May mga larawan din ng mga gamit na nakuha sa mga bangkay para makatulong sa pag-identify sa kanila ng mga kaanak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.