Suspek sa pagkamatay ng Pinay na natagpuan sa freezer sa Kuwait, pinaghahanap

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 01:43 PM | Updated as of Feb 09 2018 04:41 PM

MANILA (UPDATE) - Pinaghahanap na ng mga awtoridad sa Kuwait ang suspek sa pagkamatay ng isang Pilipinang natagpuang nakasilid sa loob ng freezer.

Kinilala ang biktima na si Joanna Daniela Demafelis, 29, at tubong Iloilo.

Ayon kay Renato Pedro Villa, ambassador ng Pilipinas sa Kuwait, nakikipagtulungan na ang mga awtoridad sa Interpol upang mahanap ang suspek.

Natagpuan ang bangkay sa loob ng freezer ng isang abandonadong apartment sa Kuwait noong Martes.

Nasa kustodiya na ng Kuwait Criminal Evidence Department ang bangkay para sa awtopsiya.

Lumabas diumano sa paunang imbestigasyon na isang Lebanese na may asawang Syrian at kasambahay na Pilipina ang dating nakatira sa apartment.

Umalis na umano ang mag-asawa sa Kuwait noong taong 2016 pa. Pinaghahanap din ng mga awtoridad ang lalaking Lebanese dahil sa mga kasong kaugnay ng mga tumalbog na tseke.

"Noong umalis pala itong couple na ito, sinabi nila doon sa nagbabantay na huwag buksan iyong flat dahil mayroon silang mahahalagang bagay doon. Nabuksan lang itong flat through a court order dahil marami palang kaso ng bouncing checks 'yong Lebanese na 'yon," ani Villa.

May mga senyales din umano sa bangkay ng Pilipina na pinahirapan siya at sinakal hanggang sa mamatay.

Ayon naman sa isang Pilipina na nakatira rin sa gusali kung saan nakatira si Demafelis, nagkuwento pa raw dati sa kaniya ang biktima ng pananakit na dinadanas nito sa amo.

"Last kami nagkausap September 2016 doon sa may bintana tapos noong bumaba siya, nakita ko siya doon banda tapos tinanong ko siya kumusta siya, sabi niya sa akin hindi daw maganda, kasi daw ang amo niya sinasaktan siya, delayed ang sahod," aniya.

Inalok pa raw niya si Demafelis na ihahatid sa embahada ng Pilipinas ngunit takot daw ito sa amo niya.

"Sabi ko sa kaniya, aalis ka na lang diyan or ihatid kita sa embassy pero hindi siya pumayag kasi takot siya sa amo niya," aniya.

-- may ulat ni Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.