'I cannot remember': Gadon, nasabon dahil 'nakalimot' sa reklamo

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2017 10:08 PM | Updated as of Nov 27 2017 10:30 PM

Nasermonan ng ilang mambabatas si Atty. Larry Gadon dahil sa pabago-bagong nitong pahayag hinggil sa pinanggalingan ng mga paratang na nameke umano ng dokumento si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno. 

Humarap sa House justice committee nitong Lunes ang Manila Times reporter na si Jomar Canlas, na siyang nagsulat ng ulat hinggil sa pagkumpronta umano ni SC Associate Justice Teresita De Castro kay Sereno matapos 'manipulahin' ni Sereno ang isang temporary restraining order (TRO) na isinulat ni De Castro.

Isa ang umano'y pangingialam ni Sereno sa TRO sa mga iregularidad na nabanggit sa impeachment complaint na inihain ni Gadon.

Noong nakaraang pagdinig, sinabi ni Gadon na si Canlas ang nagkuwento sa kaniya ukol sa pamememeke ng TRO at si De Castro umano ang hindi pinangalanang "source" ni Canlas sa kaniyang ulat.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Subalit itinanggi ni Canlas na si De Castro ang kaniyang source.

"I categorically deny that the source of facts in my article is De Castro. I have never revealed to anyone my source or sources in the said article," ani Canlas.

("Itinatanggi ko na ang pinanggalingan ng mga impormasyon sa aking ulat ay si De Castro. Hindi ko ibinubunyag sa kahit kanino kung sino ang source o mga source ko sa nasabing ulat.")

Nang tanungin ng mga mambabatas, tila nagbago ang awit ni Gadon nang sabihin nitong hindi niya maalala kung si Canlas nga ba ang nagkuwento sa kaniya kaugnay sa isyu ng TRO.

"I cannot really remember now whether it was Jomar Canlas who intimated it to me but I talked to him several times, but he may have intimated it to me," ani Canlas.

("Hindi ko talaga maaalala kung si Jomar Canlas ang nagsabi sa akin pero ilang beses ko siyang nakausap, pero baka siya ang nagsabi sa akin.")

Iginiit ni Canlas na bagama't nakalimot siya sa pinanggalingan ng impormasyon, hindi nito nababago na may inilathalang ulat pa rin hinggil sa isyu ng TRO.

Noong huling pagdinig, umamin si Gadon na balita sa media ang batayan sa ilang paratang ng kaniyang complaint.

Inamin din nitong wala siyang personal knowledge sa mga bintang.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Una na ring itinanggi ni De Castro na nagbigay siya ng impormasyon kay Canlas tungkol sa Korte Suprema.

Pinaalalahanan ng ilang mambabatas si Gadon na siya'y "under oath" o nanumpa habang nagbibigay ng mga salaysay laban kay Sereno. 

"Last time you said it was Canlas, now that there was denial on the part of the one you were quoting with, you're saying to this committee that you're forgetting everything," ani Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon, vice chairperson ng House justice committee.

("Noong nakaraan, sabi mo si Canlas, ngayong itinanggi niya na siya ang kino-quote mo, sinasabi mo sa komiteng ito na nakalimutan mo lahat.")

"That cannot be done on the expense of the justice committee, at the expense of the impeachment proceeding, at the expense of removing the chief justice," dagdag ni Leachon.

("Hindi iyan maaaring gawin sa ikasasama ng justice committee, ng impeachment proceeding, at ng pagpapatalsik sa punong mahistrado.")

Hindi pinangalanan ni Canlas ang kaniyang source sa kabila ng pagtanong ng mga mambabatas. Ginamit nitong panangga ang Republic Act 53 o Press Freedom Law.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi rin dumalo sa pagdinig si Sereno at ang mga mahistrado ng Korte Suprema.

Ayon naman kay House justice committee chairperson Rey Umali, handa nang dumalo si De Castro sa mga pagdinig ng Kamara pero kinakailangan muna nitong makakuha ng pahintulot mula sa Korte Suprema.

Hiniling ni Gadon na imbitahin sa pagdinig si De Castro para siya mismo ang magbigay linaw sa isyung nangialam si Sereno sa TRO na dapat ay si De Castro ang magpapalabas.

-- May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.