'Baliw pala siya': House speaker sa hiling ni Sereno ukol sa impeachment | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Baliw pala siya': House speaker sa hiling ni Sereno ukol sa impeachment

'Baliw pala siya': House speaker sa hiling ni Sereno ukol sa impeachment

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Iginiit ni House Speaker Pantaleon Alvarez na dapat mismong si Chief Justice Maria Lourdes Sereno, hindi lang ang kaniyang mga abogado, ang humarap sa Kamara para sa reklamong impeachment na tatalakayin ng House committee on justice sa Miyerkoles, Nobyembre 22.

Titimbangin sa nasabing pagdinig kung may sapat na basehan o probable cause ang reklamo para tuluyang gumulong sa plenaryo.

Ayon kay Alvarez, pagkakataon iyon ni Sereno para bigyang linaw ang mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya na nag-ugat sa inihaing reklamo ni Atty. Lorenzo Gadon.

"Komprontahin niya 'yong nag-akusa sa kaniya, at pati 'yong mga testigo laban sa kaniya. At ipaliwanag din niya ang mga dokumento na ilalabas sa committee hearing... Humarap na lang siya dito at magpaliwanag siya," sabi ni Alvarez.

ADVERTISEMENT

Binalaan din ni Alvarez ang kampo ng punong mahistrado sa posibleng pagdulog sa Korte Suprema sakaling igiit ng Kamara na si Sereno mismo, at hindi mga abogado, niya ang humarap sa impeachment hearings.

Kabilang na rito ang pag-cross examine o mismong si Sereno ang kukuwestiyon sa ebidensiya at testimonya ng mga tetestigo laban sa kaniya.

"E baliw pala siya e, para siyang hindi abogado. E alam niya naman ang impeachment case, e siya 'yong ini-impeach, hindi 'yong mga abogado niya. So personal ito, kailangan niyang humarap dito at magpaliwanag, depensahan ang sarili niya," ani Alvarez. "Ngayon 'yong sinasabi niyang right to counsel, ok lang 'yon, kung hindi siya marunong mag-cross examine, e di magsama siya ng abogado, 'yon ang pagsalitain niya. Pero kailangan siyang nandirito."

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sabi rin ni Alvarez, pupunitin niya at isasampal sa mukha ng mga magpepetisyon ang kanilang magiging apela sa Korte Suprema.

Hinamon din ni Gadon si Sereno na pasinungalingan ang 27 articles of impeachment na isa-isa naman aniyang patutunayan ni Gadon gamit ang mga opisyal na dokumentong nanggaling mismo sa Korte Suprema.

Ayon naman sa Integrated Bar of the Philippines, pagkakataon na ito ng Kongreso na itama ang lahat ng posibleng mali sa mga nakaraang impeachment para hindi na rin litisin pa sa Senado ang isang reklamong walang basehan -- bagay na sinegundahan naman ni Alvarez.

" Binibigyan namin siya [Sereno] ng due process. Hindi ko nga 'yan dineretso doon sa impeachment court, although kayang-kaya naming gawin 'yan dito, para makita ng sambayanan at kami mismo, magkakaroon kami ng confidence kung dapat bang dalhin 'yan sa impeachment court o hindi," ani Alvarez.

Naungkat ang nakaraan

Watch more in iWantv or TFC.tv

Wala naman planong umatras si Sereno sa gitna ng kontrobersiyang dulot ng impeachment complaint.

Aniya, nagsisinungaling si Gadon.

Isa sa mga akusasyon ni Gadon ang umano'y pagsisinungaling ni Sereno at hindi idineklara ang tamang kita niya sa kaniyang statement of assets, liabilities, ang net worth bilang abogado ng gobyerno sa kaso noon ng Piatco ukol sa pagpapatayo ng Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport.

Hindi rin daw nagbayad ng tamang buwis si Sereno.

"I don't know how he [Gadon] can come and execute a verified complaint and say that he knows as a matter of personal knowledge all the allegations that he has said against me," ani Sereno. "On many accounts, those points are actually perjurious, because I don't know him at all, I have never met him."

["Hindi ko alam paano siya nagkaroon ng beripikadong reklamong nakabase sa personal niyang nalalaman sa mga alegasyon laban sa'kin, gayong hindi ko siya kilala."]

Nangangamba ang grupong Filipino Alliance for Transparency and Empowerment na paghihiganti ang posibleng motibo ng mga nais magpatalsik kay Sereno.

Noong 2007, tumestigo si Sereno laban kay House Speaker sa Piatco case, noong Transportation secretary pa si Alvarez.

"Speaker Alvarez, at the time, was part of the committee that approved the terms of reference for that contract," ani Sereno. "The conflict of interest he found himself in was when the company his wife owned became the subcontractor for the construction of that contract."

Pero sinalag agad ni Alvarez na may kinalaman siya sa impeachment ni Sereno.

"'Yang si Chief Justice na 'yan, kung ano-ano na 'yong mga sinasabi. Alam niyo, wala akong kinalaman diyan. Hindi ako 'yong ini-impeach dito, at 'yong lahat ng kaso ko noon, hinarap ko, hindi ako nagreklamo, napa-dismiss ko lahat 'yan. Wala na po 'yan."

Tanggap din ni Sereno na gusto siyang patalsikin ni Duterte, pero nanindigan ang punong mahistrado na hindi siya magbibitiw.

"Does he [Duterte] have a hand in this impeachment? Well, I go by his official pronouncement and I wish him success as a president but I hope he understands that the checks and balances are very, very important for any democracy."

-- Ulat nina Karen Davila at RG Cruz, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.