2 bakasyunista patay sa landslide sa San Juan, Batangas

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 01:01 PM

MAYNILA - Patay ang dalawang bakasyunista nang mabagsakan ng gumuhong lupa at bato ang kanilang tinutulugan sa isang resort sa Laiya, San Juan, Batangas, Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang mga biktimang sina Maria Luisa Santos at Christopher Cruz, na naipit nang mabagsakan ng lupa at bato sa kasagsagan ng mga pag-ulan.

Ayon sa mga awtoridad, natutulog ang dalawa sa pansamantalang guest room na isang 20-foot container van nang mangyari ang landslide sa Kota Keluarga resort.

Naisugod pa ang dalawang biktima sa ospital pero idineklara ding dead on arrival. Samantala, inoobserbahan pa sa ospital ang 3 pang nasugatan sa insidente, na hindi pa nakikilala.

Una nang nagbabala ang PAGASA ng posibleng baha at landslide dahil sa bagyong "Ramil," lalo na sa Northern Palawan, Calamian Group of Islands, Aklan, at Antique kung saan nakataas ang signal no. 1.

May babala rin ng posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol.--ulat ni Arnell Ozaeta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.