40 araw ng pagluluksa para sa EJK victims, sinimulan sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2017 01:31 PM | Updated as of Sep 24 2017 09:11 PM

ABS-CBN News

ABS-CBN News

ABS-CBN News

ABS-CBN News

ABS-CBN News

MANILA - Sinimulan ng Simbahang Katolika sa Lingayen Dagupan Archiocese noong Sabado ang 40 araw ng pagluluksa at pagsindi ng mga kandila para sa mga biktima ng extra-judicial killing sa bansa. 

Sa lalawigan ng Pangasinan, nagprusisyon ang mga deboto palibot sa St. John Evangelist alas-8 ng gabi, bago nag-alay ng mga kandila at dasal. 

Nagkaroon din ng ilang minuto ng katahimikan, kung saan tanging ang kampana ng simbahan lamang ang maririnig.

Ayon kay Lingayen-Dagupa Archbishop Socrates Villegas, isasagawa ng kanyang archdiocese ang 40 araw na pagluluksa hanggang Nobyembre 1, alinsunod sa tradisyon ng mga Pilipino para ipagluksa ang mga namayapa. 
 
"Ipagluluksa natin ang mga namatay at nabiktima ng EJK. Ang sbai nila death under investigation pero papaano mo maiiimbestigahan ang iyung ganoon karaming victims," ani Villegas. 

Layon anya ng hakbang na ipaalala sa mga pamilya ng EJK victims na ipagpatuloy ang paghingi ng hustisya. Target din aniya nitong ipaalala sa mga nasa katungkulan na dapat pahalagahan ang buhay ninuman. 

Kasama sa mga nakiisa sa programa si Jeazel Juarez at ilang kapwa kabataan. 

Aniya, "May boses kami, may karapatan kami, andito kami para ipaalam sa mga kabataan din na tulad naming na ang buhay ay dapat pangalagaan."
 
Dumalo rin ang peace advocate na si Teresita Deles, kasama na ang ilang kababaihan mula sa grupong Filipina. 

"Marami nang nangyayari sa bansa natin na kailangan bigyan ng pansin," sabi ni Deles na dating Presidential Adviser on the Peace Process. 

Nasa 2,216 drug suspek na ang nakitil sa mga operasyon ng pulisya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Philippine National Police chief Director General Ronald Dela Rosa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.