16 pulis-Caloocan, sinibak; dawit sa pagtangay ng relo, cellphone, pera sa pinasok na bahay

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 09:01 PM

Matinding takot at trauma ang dinanas ng 51 anyos na si alyas "Lorena" matapos looban umano ang kaniyang bahay ng mga tauhan ng police community precinct 4 ng Caloocan Police.

Sa kuha ng CCTV pasado alas-9 ng gabi nitong Setyembre 7, makikitang binuksan ng mga armadong pulis ang gate ng bahay ni Lorena.

Unang pumasok ang isang lalaking may kapansanan na may hawak na baril at nakasuot pa ng police vest. 

Kasunod niya ang isang pulis na may dalang M-16 armalite at isang nakasibilyang pulis na may takip ang mukha at may hawak na flashlight.

May kasama rin silang isang menor de edad na nakasuot ng hoodie.

Pito pang armadong lalaki ang sumunod sa kanila. 

Maya-maya pa, kita na ang paglabas sa kalsada ng tauhang may dalang bolt cutter. 

Nadestrungka na pala niya ang kandado at napasok na ang bahay ni Lorena.
    
Sa kuha naman sa sala, makikita ang pagpasok ng naka-police vest na pilay na naka-umang ang baril. 

Sumunod na pumasok ang naka-hoodie na bata na kumalikot pa sa cellphone na nasa estante ng TV.

Kinuha ng naka-unipormeng pulis ang isang relo pero agad din itong inilapag saka naman kinuha ng bata ang relo at ibinulsa. Isa pang relo ang kaniyang ibinulsa.

Pumasok naman ang isang pulis na nakatakip ng panyo ang mukha at iniangat ang cellphone pero agad itong ibinulsa ng bata at tumingin sa pulis na nakabantay sa pintuan. 

Sumenyas pa ang pulis sa bata na huwag maingay.

Makikita rin na tila puno na ang bulsa ng sweater ng bata at itinuro pa niya sa pilay na naka-police vest ang direksiyon kung saan nakakabit ang CCTV camera.

Nasa katabing bahay lang naman noon si Lorena at sa CCTV na lang niya nakita ang nangyari.

Nadiskubre niyang nawawala ang kanyang mga relo, cellphone, at cash na aabot sa P30,000 ang halaga. 

Kuwento ni Lorena, itinuro siya ng isang alyas "Bebe" na isang drug suspect na nahuli noong araw na iyon.

Si alyas Bebe ang nakita sa CCTV na nakahubad at nakaposas bago pumasok ang mga pulis sa gate.

Ayon umano kay Bebe, kay Lorena siya kumukuha ng droga pero giit ni Lorena, ni hindi pa nga nakakatuntong sa kanilang bahay si Bebe.

Aminado naman si Lorena na may alitan ang kaniyang asawa at ang tatay ni Bebe.

Pormal nang dumulog sa Caloocan Police si Lorena nitong Huwebes, Setyembre 14, para ireklamo ang insidente.

Nais ni Lorena na maparusahan ang mga pulis lalo pa't wala silang ipinakitang search warrant.

Kumbinsido ang hepe ng Northern Police District at Caloocan Police na si Senior Superintendent Jemar Modequillo na may iregularidad sa isinagawang police operation kaya agad na inalis sa puwesto at dinisarmahan na ang 14 na pulis na kasama sa operasyon.

Kasama rin sa sinibak ang team leader nila na si Senior Inspector Warren Peralta at station commander ng PCP na si Chief Inspector Timothy Aniway, Jr.

Kinuwestiyon din ni Modequillo ang pagpasok ng mga pulis nang walang search warrant at maging ang pagsasama sa may kapansanang police asset at isa pang menor de edad.

Pinaghahanap na rin ang dalawang suspek para maimbestigahan at mabawi ang mga ninakaw na gamit at pera.

-- Ulat ni Dominic Almelor ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.