PNP planong bumili ng 175,000 body cameras

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 08:25 PM | Updated as of Sep 09 2017 08:09 AM

MANILA - Plano ng Philippine National Police (PNP) na bumili ng 175,000 body cameras para ipasuot sa pulisya sa kanilang mga operasyon. 

Ayon kay PNP spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos, kung mayroong budget ay bibili ang kapulisan ng body cameras para maging bahagi ng standard equipment ng pulisya. 

Sa ngayon, meron lang silang mangilan-ngilang video cameras na maaaring ipagamit sa mga pulis tuwing may operasyon para dokumentado ang kanilang pagkilos.

Ito ay sa gitna ng batikos sa pulisya matapos ang kaduda-dudang pagkamatay ng mga kabataan, kabilang na sina Kian Loyd Delos Santos, 17, at Carl Angelo Arnaiz, 19, sa mga operasyon ng pulisya. 

Ang dalawa ay may dala umanong droga at nanlaban sa pulis sa magkahiwalay na operasyon noong Agosto. Subalit napag-alaman sa forensic analysis na maaaring sadyang pinaslang ang dalawa.

Ayon kay Carlos, handang ipatupad ng PNP ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsama ng media sa police operations para idokumento ang operasyon. 

Ang inaalala lang aniya ng PNP ay ang kaligtasan ng mga miyembro ng media lalo na kung magkakaroon ng engkuwentro. 

Pero tiniyak ni Carlos na hindi nila i-propronta ang mga miyembro ng media sa mga armadong suspek para hindi sila mapahamak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.