20 M16 rifle, 2 granada nakuha mula sa mga hinihinalang NPA

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2017 09:02 PM

Dalawampung M16 rifle at dalawang granada ang nakuha sa isinagawang operasyon kontra sa mga pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army sa Kidapawan City. Mula sa Philippine Public Safety College North Cotabato

KIDAPAWAN CITY— Dalawampung M16 rifle at dalawang granada ang nakuha ng pulisya at militar sa isinagawang operasyon kontra sa mga pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army sa Barangay Katipunan, Kidapawan City nitong Biyernes.

Nagsanib puwersa ang 39th Infantry Battalion ng Philippine Army at Philippine National Police sa pangunguna ng Provincial Public Safety Company sa operasyon sa Barangay Katipunan, alas-6 ng umaga.

Target ng mga ito ang dalawang kahina-hinalang lalaki sa lugar na 'di nagtagal ay napag-alamang may mga dala umanong matataas na kalibre ng armas.

"May dala-dalang mga drum, ‘yung drum may laman na mga baril,” ani Lt. Col. Harold Argamosa.

Ang dalawang lalaki ay pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army.

Narekober naman ng mga awtoridad sa lugar ang 20 M16 rifle at dalawang granada.

"Malamang over the years nila na mga ginagamit, or puwedeng galing sa mga bayan o bahay na mga pinasok nila nung mga nakaraang buwan,” ani Argamosa.

Ikinulong na sa Kidapawan City lock-up cell ang dalawang lalaki na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunition at illegal possession of explosives.

Dinala naman sa kampo ng militar sa bayan ang mga narekober na baril at granada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.