Pagkaantala ng employment certificate ng mga OFW, inireklamo | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pagkaantala ng employment certificate ng mga OFW, inireklamo

Pagkaantala ng employment certificate ng mga OFW, inireklamo

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 31, 2017 12:02 AM PHT

Clipboard

Inireklamo ng mga overseas Filipino worker (OFW) ang sobrang bagal na pagproseso ng kanilang mga overseas employment certificate (OEC) na inaabot ng mahigit isang buwan bago mailabas.

Ang OEC ang huling requirement bago payagang makaalis ng bansa ang isang OFW.

Kabilang sa mga nagtiyagang pumila sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang family driver na si Edwin Valenzuela na galing pang North Cotabato.

Masama ang loob ni Valenzuela dahil hindi siya natuloy sa flight papuntang Riyadh ngayong araw dahil pinababalik pa siya bukas para sa kanyang OEC.

ADVERTISEMENT

Ang nurse naman na si Eunice Saturno, nag-apply online tatlong linggo bago dumating sa bansa pero buong araw pa ring nagtiis sa mahabang pila.

Sa pagkuha ng OEC, kailangang isumite ang ilang requirement gaya ng employment contract, passport, medical certificate at iba pang dokumento.

Dadaan ang mga ito sa evaluation, pipirmahan ng POEA administrator at ieendorso sa kalihim ng Department of Labor and Employment.

Kapag kumpleto na ang mga pirma, ilalabas na ang OEC.

Tatlong araw lang dapat ang buong proseso pero inaabot ngayon ng tatlong linggo hanggang lagpas isang buwan ayon sa mga OFW.

Ayon sa POEA, nagsimula ang problema nang amyendahan ang POEA rules and regulations noong 2016 kung saan dinagdagan ang exempted sa direct hire ban.

Kung dati ay mga may employer lang na diplomat, miyembro ng mga international organization o government official, ang puwede sa direct hiring, ngayon, puwede na rin ang mga may employer na inendorso ng Philippine Overseas Labor Office, mga professional o skilled worker, at mga na-hire ng kamag-anak na permanent resident sa isang bansa.

Lahat ng ito, kailangang aprubahan ni Labor Secretary Silvestre Bello.

Paliwanag ni Undersecretary Bernard Olalia ng POEA, sa dami ng mga nag-a-apply, natatambakan na ang kanilang opisina ng mga aplikasyong kailangang pirmahan ni Bello.

Ayon pa sa POEA, bumuo na sila ng technical working group para pag-aralan ang muling pag-amyenda sa probisyon sa direct hiring para mas mapabilis ang proseso.

Pero sa ngayon, kailangan munang magtiyaga ng mga OFW sa mahigpit na screening dahil nais lamang masiguro ng POEA ang kanilang kaligtasan.

Pinapayuhan naman ang mga OFW na tiyakin munang kumpleto ang mga dokumento bago pumunta ng POEA dahil isa rin ito sa dahilan kung bakit mas tumatagal ang proseso.

Kung hindi maaprubahan ang OEC application, nangangahulugan lang daw na may nakitang hindi tama sa terms ng kontrata.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.