Duterte sa mga pulis sa Kian case: Ikulong kung may sala | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Duterte sa mga pulis sa Kian case: Ikulong kung may sala

Duterte sa mga pulis sa Kian case: Ikulong kung may sala

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 22, 2017 12:31 AM PHT

Clipboard

  • Imbestigasyon ng Senado, nakaumang
  • Protesta sa pagkamatay ni Kian, gumulong

Hahayaang makulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na sangkot sa pagkamatay ng 17 anyos na si Kian Loyd delos Santos kung mapapatunayan silang nagkasala.

Katunayan, sabi ni Duterte sa panayam Lunes ng gabi, pinag-utos niyang hulihin at ikulong ang mga pulis matapos niyang mapanood ang CCTV ng umano'y pagkuha ng mga pulis kay delos Santos nitong Miyerkoles, Agosto 16.

''I would be the last person to condemn them without a valid investigation. Better kung talagang 'rubout', kung ganoon maasahan ninyo, they have to answer for it, they have to go to jail,'' ani Duterte.

Pero agad niya ring nilinaw na hindi siya makikialam sa imbestigasyon ng insidente at ipauubaya niya sa Department of Justice ang pagsisiyasat nito.

ADVERTISEMENT

"Noong makita ko 'yong tape [CCTV], tinawagan ko si Bato [PNP Chief Ronald Dela Rosa], sabi ko, hulihin mo na at kulungin mo [ang mga pulis na dawit sa pagkasawi ni Kian]," ani Duterte.

May babala rin si Duterte sa mga pulis na umaabuso sa kanilang tungkulin.

Ayon sa Pangulo, inuna niyang taasan ang suweldo ng pulisya para hindi na sila mahikayat sa anumang klase ng korupsiyon.

Kaya naman handa rin daw siyang isa-isahin ang mga pulis na magmamalabis.

"Ta***na kayong mga pulis kayo. You will find that you are far more worse than sa drugs, because you are destroying the credibility of the government... talagang habulin ko kayo," ani Duterte.

Imbestigasyon sa kaso ni Kian, gugulong sa Senado sa Huwebes

Iimbestigahan naman ng Senado ang dumadaming bilang ng mga namamatay sa giyera kontra droga ng pamahalaan bagama't wala pang balak ang karamihan ng mga senador na isulong ang suspensiyon ng 'Oplan Double Barrel' ng Philippine National Police (PNP).

Kinondena ng mga kaalyado ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado ang madugong kampanya kontra ilegal na droga, kasama na ang pagpatay sa estudyanteng si Kian Loyd delos Santos.

Labing-apat sa 17 senador mula sa supermajority coalition ang pumirma sa resolusyon na mariing na kumokondena sa pagpatay sa grade 11 student na si Kian at nagsusulong ng agarang imbestigasyon sa biglang-buhos na naman ng mga napapatay sa laban kontra ilegal na droga ng gobyerno.

Itinakda sa Huwebes, Agosto 24, ang pagdinig ng Senate committee on public order and illegal drugs.

Samantala, maliban sa PNP at National Bureau of Investigation (NBI), haharap din sa Senado ang ama ni Kian na si Saldy delos Santos at ang mga opisyal ng Barangay 160 sa Caloocan City.

Kinuwestiyon naman ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III ang protocol ng PNP sa paggamit ng baril sa kanilang mga operasyon.

Humingi rin ng patas na imbestigasyon sa Senado si Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi lamang tutukoy sa pagkamatay ni Kian kundi pati na rin sa ugat ng mga madugong klase ng pagpatay.

Ayon kay Senador Antonio "Sonny" Trillanes IV, senyales ng nabuong resolusyon ang unti-unting pagbangon ng independence o pagsasarili ng Senado.

Iginiit naman ni Senador JV Ejercito na hindi pagkalas ng suporta kay Pangulong Duterte ang ginawa nilang resolusyon. Bagamat payo niya sa pangulo, mag-isip na aniya ito kung tama pa ba ang diskarte sa laban kontra ilegal na droga.

Nakikiisa man sa imbestigasyon sina Senador Vicente Tito Sotto III at Senador Ralph Recto, suportado pa rin nila ang kampanya ng administrasyon kontra ilegal na droga.

Nakatanggap naman ng impormasyon si Recto na diumano'y lalong tumaas ang presyo ng droga simula nang ilunsad ang war against drugs.

Paniwala ni Recto na ang kailangan lamang para maging matagumpay ang kampanya ng administrasyon ay hulihin ang mga awtoridad na umaabuso sa kanilang tungkulin.

Iginagalang naman ng Malacañang ang naging aksiyong ito ng Senate majority bloc.

Protesta kontra 'EJK'

Nagtipon-tipon sa People Power Monument ang ilang mga tutol sa kampanya ng pangulo kontra ilegal na droga upang kondenahin ang pagkapatay kay Kian.

Ipinakita rin nila ang kanilang pagkadismaya sa umano'y 'extrajudicial killing' na nangyayari ngayon.

Giit ng mga nagpoprotesta, suportado nila ang hangad ng pamahalaan na labanan at puksain ang pagkalat ng iligal na droga, pero anila, sana raw ay huwag nitong isawalang bahala ang umiiral na batas.

Itim ang suot ng karamihan ng mga dumalo sa protesta na sumisimbolo sa kanilang pakikiisa sa mga kamag-anak ni Kian; ganoon na rin sa mga iba pang biktima ng 'EJK' at mga sinasabing "collateral damage" ng war on illegal drugs ng pamahalaan.

Pero hindi lang sa People Power Monument nagkaroon ng demonstrasyon. Sa Plaza Miranda ay nagkaroon din ng maliit na pagtitipon ang Liberal Party upang gunitain ang 1971 Plaza Miranda bombing at assassination ni dating senador Ninoy Aquino.

Ayon sa partido, tanggap nilang babatikusin sila ng mga tagasuporta ng administrasyon bagamat handa raw silang patuloy na magprotesta para marinig sila ng administrasyon.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, karapatan ng mamamayan na magprotesta kung gugustuhin nila. Aniya, hindi nila ito pipigilan pero paalala siya na makipag-coordinate sila sa mga awtoridad.


-- Ulat nina Sherrie Ann Torres at Raphael Bosano, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.