30 trak pinanghakot ng basura sa binahang Marikina | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

30 trak pinanghakot ng basura sa binahang Marikina

30 trak pinanghakot ng basura sa binahang Marikina

ABS-CBN News

 | 

Updated Dec 12, 2019 06:32 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Higit 30 garbage truck ang ginamit sa paghakot ng basura sa Marikina City, kasabay ng paghupa ng bahang iniwan ng mga pag-ulang dala ng habagat noong weekend.

Ayon sa environmental management office ng lungsod, higit 2,000 toneladang basura ang nakolekta nila nitong Lunes, katumbas umano ng isang linggong paghahakot.

Nagpahiram din ang lungsod ng mga payloader sa mga barangay at water truck para malinis ang putik sa mga daan.

Nagtulong-tulong naman ang mga residente ng lungsod sa paglilinis ng kanilang mga komunidad matapos silang pauwiin mula evacuation centers para asikasuhin ang kanilang gamit.

ADVERTISEMENT

KAPABAYAAN, SINISI SA PAGBAHA

Para kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, kapabayaan sa kalikasan at pangangasiwa ng basura ang dahilan kung bakit madalas bahain ang Marikina at iba pang panig ng bansa.

"Backlash ng hindi mabuting pamamahala sa kalikasan natin. Ano mang paghahanda, ano mang pag-develop ng komunidad para maging disaster-resilient, mababalewala kung 'di mapapangalagaan ang kalikasan," sabi sa ABS-CBN News ni Teodoro.

Sang-ayon naman kay Teodoro si Gloria Buenaventura, pinuno ng environmental management office ng lungsod.

Isa raw talaga sa sanhi ng pagtaas ng tubig sa Marikina River ay ang pagbara ng basura sa mga kanal at imburnal na nagpapabagal sa daloy ng tubig ng ilog.

"I think it's part of climate change, 'yong severe weather conditions," ani Buenaventura.

ADVERTISEMENT

Dagdag pa umano sa basura ang pagputol ng mga puno at pagmimina sa mga matataas na lugar sa mga karatig-lalawigan.

Isa ang Marikina sa mga lugar sa Metro Manila na nakararanas ng matinding pinsala tuwing may bagyo o masama ang panahon dahil na rin sa lapit nito sa ilog.

Umabot sa hanggang 20 metro ang taas ng tubig sa Marikina River noong gabi ng Sabado dahil sa malakas na buhos ng ulang dala ng habagat pero bumaba na ito sa 15 metro nitong Lunes.

Bunsod ng pagtaas ng tubig sa ilog, higit 21,000 residente ng lungsod ang lumikas sa 18 evacuation center noong weekend.

Ayon kay Teodoro, mas mataas ang bilang ng mga lumikas ngayon kumpara sa 3,000 at 5,000 na madalas umano nilang naitatala.

ADVERTISEMENT

Watch more in iWantv or TFC.tv

BASURA SA MANILA BAY

Nagpatuloy din nitong Lunes ang paghahakot ng basura ng Manila Department of Public Services (DPS) sa Manila Bay.

Mula Sabado hanggang Lunes, umabot sa 20 truck na may tig-apat na toneladang basura ang nahakot ng DPS.

Sa datos ng DPS, 50 porsiyento sa mga nahakot nilang basura ay mga kahoy at kawayan, 20 porsiyento ay mga goma at tsinelas, 20 porsiyento ay plastic at Styrofoam, at 10 porsiyento naman ay mga patay na hayop.

Kinailangan pa umano ng payloader para matanggal ang mga basura, lalo na iyong mga naglalakihang kahoy mula sa mga fishpen ng mga karatig-lalawigan.

Bunsod ng mga malalakas na alon sa gitna ng masamang panahon, inanod noong Sabado sa Manila Bay ang sangkaterbang basura, na umabot pa hanggang service road ng Roxas Boulevard.

ADVERTISEMENT

Nagdulot din ng pagsikip sa daloy ng trapiko ang baha at basura.

Muling nagpaalala ang DPS sa publiko na pairalin ang disiplina at magtapon ng basura kung saan-saan.

Bukod sa Marikina at Maynila, nalubog din sa baha ang iba pang bahagi ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan noong nagdaang weekend dahil sa pag-ulang dala ng habagat na pinalakas ng bagyong Karding.

Sa kasagsagan ng masamang panahon, dalawa ang nasawi habang isa ang naiulat na nawawala.

Umabot naman sa halos 250,000 pamilya ang naapektuhan ng pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon at Cordillera Administrative Region.

-- Ulat nina Bianca Dava at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.