DOH nagbabala laban sa mga pekeng contact tracers | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

DOH nagbabala laban sa mga pekeng contact tracers

DOH nagbabala laban sa mga pekeng contact tracers

Lyza Aquino,

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 12, 2020 12:42 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Pinag-iingat ng Department of Health ang publiko laban sa mga kumakalat na pekeng contact tracers ngayong panahon ng pandemya.

Ayon sa mga reklamo na natanggap ng DOH, modus ng mga kawatan ang magpakilalang miyembro ng kanilang contact tracing team, kung saan hihingin nila ang personal na mga impormasyon ng nakakausap sa telepono at gamitin ito kalaunan sa pangingikil ng pera.

Nakipagugnayan na ang ahensya sa National Bureau of Investigation upang maimbestigahan at mahanap ang mga nagpapanggap na pekeng contact tracers.

Paalala ng ahensya, huwag basta magpaniwala kahit na magpakilala pa itong miyembro ng contact tracing team ng inyong lokal na pamahalaan.

ADVERTISEMENT

Hingin muna ang pangalan ng iyong kausap at iberipika ito sa inyong Barangay Health Emergency Response team (BHERT) upang malaman kung lehitimong contact tracer ba ang inyong kausap.

Huwag basta magbigay ng inyong personal na impormasyon at kung sakaling mapatunayan na pekeng contact tracer ang kausap ay ilista ang numerong ito at i-block sa inyong mga cellphone.

Isumbong rin ito sa call center hotline ng DOH: 02-8-651-7800 local 5003 at 5004.

Isa sa mga tinawagan ng mga umano'y pekeng contact tracer si Abhey Manuel. Kuwento niya, Hulyo 31 nang makatanggap siya ng tawag mula sa nagpakilalang contact tracer.

Natukoy daw siyang nakisalamuha sa isang COVID-19 patient at kailangan daw siyang magpa-test.

ADVERTISEMENT

“Tinatanong niya ako kung name ko, nagtataka ako dapat alam niya, hindi 'yung ako hingan n'ya ng detalye,” ani Manuel.

Pero nang alamin kung sino ang nakasalamuha niyang COVID-19 positive patient sa contact tracer, hindi umano binigay ng nagpakilalang contact tracer ang detalye.

“Sabi niya privacy law daw kaya di niya maibigay sakin. Eh ako rin naman entitled sa privacy law,” ani Manuel.

Nagbigay rin ng babala si Department of the Interior and Local Government spokesperson Jonathan Malaya hinggil dito.

“Siyempre 'yung tao naman na-alarm siya dahil close contact siya may mga detalye. [Tapos sasabihin] 'oh sige, magpapatest ako' and then dun na hihingan ng pera kasi nga kukunin 'yong address kukuhanin 'yung pangalan and then ipapadala di umano 'yung test kit sa kanya and then i-charge na siya,” ani Malaya.

ADVERTISEMENT

Payo ng mga awtoridad na makipag-ugnayan sa mga barangay para malaman ang mga lehitimong contact tracers.

— May ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.