Pari timbog sa tangkang pang-aabuso sa dalagita

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2017 01:25 PM | Updated as of Jul 29 2017 08:53 PM

Arestado si Msgr. Arnel Fuentes Lagarejos matapos itong mahuli sa isang entrapment operation sa Marikina City. Photo courtesy of Rizal Province Government Website

MANILA (UPDATE) - Timbog ang isang pari matapos umano itong magtangkang mang-abuso ng isang menor de edad na babae sa Marikina City.

Arestado si Msgr. Arnel Fuentes Lagarejos, 55, sa isang entrapment operation ng pulisya at Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Biyernes matapos itong mahuli na papasok sa isang motel.

Ayon sa ulat ng Eastern Police District, kinausap umano ng pari ang isang menor de edad rin na bugaw gamit ang social media upang makuha ang 13-anyos na dalagita.

Nakipagkasundo si Lagarejos na makipagkita sa bugaw at sa dalagita sa Blue Wave Mall sa Sumulong Highway, Barangay Sto. Nino sa Marikina City ngunit nagsumbong umano ang ina ng 13-anyos na dalagita kaya ikinasa ang entrapment operation.

Nakasakay sa isang berdeng Ford Explorer na may plakang TGO 350 ang pari at papasok sana sa isang motel nang mahuli ng mga awtoridad.

Nagtangka pa diumano ang pari na bumunot ng baril nang huhulihin na, ngunit nadikitan ito ng pulis kaya hindi na natuloy.

Paliwanag pa ng pulisya, ang grupo sana ng bugaw ang nais nilang mahuli ngunit nagulat na lamang sila nang malaman na sangkot dito ang pari.

Si Lagarejos ay nakadestino sa Marikina City at Rizal at naging dating presidente ng isang Katolikong paaralan. Kilala rin ang pari bilang isa sa mga lumalaban sa pagpapatupad ng Reproductive Health law.

Nasa ilalim naman na ng kustodiya ng DSWD ang 13-anyos na dalagita at ang bugaw. Tumanggi naman na magbigay ng pahayag ang ina ng dalagita.

Nitong Sabado ng hapon, sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act ang pari.

Nakaposas, naka-maong na pantalon at nakatakip ng itim na jacket ang suspek nang lumabas mula sa Prosecutors Office sa Marikina.

Tumanggi rin humarap sa media ang suspek at mga kaanak ng biktima.

Sa opisyal na pahayag na inilabas ng Diocese of Antipolo, sinabi ni Obispo Francisco de Leon na hangga't maari ay iwasan ang pagpapakalat at pagbibigay ng komento sa insidente.

"We appeal for all the faithful to pray that the truth may come out." 

Iimbestigahan din ng simbahan ang nangyari habang nirerespeto rin nila ang magiging proseso na naaayon sa batas.--may ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.