PAGBABAGO: 'Petty crimes' sa Metro Manila, bumaba

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2016 02:39 PM | Updated as of Jul 16 2016 12:29 AM

MANILA - Bumaba ang bilang ng mga tinatawag na "petty crimes" sa iba't-ibang bahagi ng Metro Manila, ayon sa pulisya.

Sa Manila Police District (MPD) Station 5 sa Luneta area, wala nang naitalang snatching at holdapan simula Hulyo 1.

Kung dati ay tadtad ang blotter ng MPD Station 5 ng mga kaso ng snatching, lalo na ng mga turista na nadudukutan sa Luneta Park, ngayon ay alarm and scandal ang pinakatamataas na kaso na naka-blotter.

Paliwanag ng desk officer, marami na kasi ngayon ang nagpapatrolyang pulis.

Maging sa MPD Station 11 sa Binondo na nakakasakop sa Divisoria, unjust vexation, illegal possession of deadly weapons, malicious mischief, at mga naarestong nakahubad na lamang ang nakatala sa police blotters.

Natakot na umano ang mga snatcher at holdaper dahil sa higpit ngayon ng Philippine National Police (PNP).

Sa Mandaluyong, halos zero incident din ang police blotter sa mga kaso ng snatching, holdapan, rambulan sa kalsada at iba pang petty crimes.

Ang pinakahuling insidente lamang na naitala sa Mandaluyong ay ang akyat-bahay sa Boni Avenue kung saan tinangay ang mga relo, camera at iba pang gamit na nagkakahalagang P50,000.

Nakuhanan din ng CCTV camera ang nagiisang lalaking suspek.

Samantala, sa lungsod ng Pasig, sinabi ng pulisya na bokya din ang report ng petty crimes. Ang pinakahuling insidente ay ang pagkakatagpo sa bangkay ng isang lalaki.

Sa Makati naman, bumaba ng 70 hanggang 80 percent ang petty crimes ngayong Hulyo, ayon sa desk officer ng Makati Central Police Station.

Sa Cubao, Quezon City Police Station 7 sa Araneta, bumaba rin ang naitalang krimen kumpara noong mga nakaraang buwan.

Ayon sa station commander, simula Hulyo 7 hanggang 15, isa ang biktima ng akyat-bahay, isang stabbing incident, tatlong kaso na may kaugnayan sa illegal drugs, at iba pang kaso ng estafa, maltreatment at iba pa. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.