2 tauhan ng News and Information Bureau, suspendido

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 08:00 PM

Sinuspinde ang 2 personnel ng News and Information Bureau (NIB) nitong Miyerkules matapos umani ang kawanihan ng kritisismo sa maling impormasyon at larawan sa kanilang website.

Kinumpirma ito ni Director Gigi Agtay, chief ng NIB, na nakiusap na huwag nang pangalanan ang 2 tauhan na suspendido ng 15 araw.

Sa isang pahayag, inamin ng Philippine News Agency (PNA) na may naging “lapses of judgment” sa kanilang panig.

Dagdag nito, hindi kailanman naging polisiya na kunsintihin ang ganitong mga pagkakamali.

Binigyang-diin ng PNA na hindi nila intensyon na magpakalat ng maling impormasyon o “fake news.”

Isa sa insidente ng maling impormasyon ay nailathala nitong Sabado na may titulong “Urban warfare, a challenge for soldiers in Marawi.”

May kalakip itong larawan ng isang nagpapatrolyang sundalo, pero salig pala ito sa isang eksena ng Vietnam War na kinuha sa Wikimedia Commons.

Isa pang insidente ang nailathala nitong Mayo 15 kaugnay ng sitwasyon ng extrajudicial killings sa Pilipinas na umano'y mula sa panayam kay Interior Asec. Epimaco Densing, na itinanggi naman ang panayam.

Ayon sa PNA, pinagaaralan na nila ang tamang paraan sa paguulat habang ipinagpapatuloy ang pangako na makapaghatid ng tama at balanseng impormasyon sa publiko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.