Batas Militar sa Mindanao, inayunan, kinontra | ABS-CBN

Featured:
|

ADVERTISEMENT

Featured:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Batas Militar sa Mindanao, inayunan, kinontra

Batas Militar sa Mindanao, inayunan, kinontra

ABS-CBN News

 | 

Updated May 25, 2017 12:43 AM PHT

Clipboard

Kinuwestiyon ng minorya sa Kamara kung anong nangyari sa mahigit P3 bilyong intelligence fund ng gobyerno gayong hindi napigilan ang Maute Group sa Marawi City.

Maliwanag daw na may ‘failure of intelligence’ o pumalya ang impormasyong nakalap ng gobyerno kaya ngayo’y naghahasik ng lagim ang mga rebelde sa Marawi.

Tingin din ni Sen. Panfilo Lacson, dating hepe ng Philippine National Police, nagkaroon ng failure of intelligence kaya nalusutan ng mga bandido ang mga awtoridad.

Kinontra iyan ni Sen. Gringo Honasan. Ayon sa senador na dating de-ranggong sundalo, hindi nagkaroon ng tamang koordinasyon sa mga kinauukulan. Kung tutuusin daw kasi, dapat naitimbre agad ng mga opisyal ng barangay kung napansin na agad nila ang galaw ng mga rebelde.

ADVERTISEMENT

Gusto naman ni Sen. Migz Zubiri na maparusahan ang mga lokal na opisyal sa Mindanao na pumoprotekta umano sa mga teroristang grupo.

May ilang kongresista ring pinuna kung bakit nasa Russia ang pinakamatataas na opisyal na may kinalaman sa seguridad ng bansa.

Ayon kina Rep. Alfredo Garbin at Rep. Lito Atienza, dapat na may naiwang mataas na opisyal sa bansa na magtitiyak sa tamang pagresponde sa mga ganitong isyu ng pambansang seguridad.

Kontra at pabor sa martial law

Hati naman ang opinyon ng mga mambabatas tungkol sa pagsailalim ng buong Mindanao sa martial law.

Kakampi man ng Pangulo, pinababawi ng Makabayan bloc ang deklarasyon ni Pangulong Duterte. Pinuna rin nila kung bakit pa nagdeklara ng martial law gayong sinasabi ng militar na kontrolado nila ang sitwasyon.

ADVERTISEMENT

Pero walang nakikitang isyu ang mga lider ng Kamara sa deklarasyon ng Pangulo. Ang kababayan at sanggang dikit ni Duterte na si House Speaker Pantaleon Alvarez, naniniwalang may basehan ang pagdeklara ng batas militar.

Paalala naman ng biktima ng martial law noon at ngayo’y Albay Rep. Edcel Lagman, dapat suriing mabuti ng Kongreso kung sapat ba ang basehan ng Pangulo.

Hihilingin naman ni Sen. Chiz Escudero sa Kongreso na himayin ang ibibigay na ulat ng Pangulo tungkol sa pagdeklara niya ng batas militar.

Kailangan din daw tiyakin sa ulat ng Pangulo na hindi sosobra sa awtoridad nila ang mga sundalo at pulis.

Tinanong naman ni Sen. Bam Aquino kung bakit 60 araw ang dapat itagal ng idineklarang martial law at ganoon kalawak ang sakop ng kautusan.

ADVERTISEMENT

Ikinagulat ni Sen. Antonio Trillanes ang desisyon ni Duterte lalo't sabi raw ng mga nakausap nya sa militar, kaya nilang resolbahin ang krisis sa Marawi kahit walang martial law.

Nagkaisa naman ang mga senador sa pag-aalay ng panalangin para sa kapayapaan sa Marawi city.

Nauna na ring umapela ni Vice President Leni Robredo sa publiko na manatiling kalmado at manalig sa Armed Forces.

Terorismo, hindi raw matutuldukan ng martial law

Samantala, hindi kumbinsido si Atty. Christian Monsod na may sapat na basehan ang Pangulo sa pagdeklara ng batas militar.

Isa si Monsod sa mga bumalangkas ng kasalukuyang Saligang Batas.

ADVERTISEMENT

Duda rin ang ilang ekspertong taga-Mindanao na ito na nga ang tatapos sa problema ng terorismo roon.

Ayon kay Atty. Tony La Viña, isang legal and governance expert, masasawata lang ang terorismo kung matutuldukan ang mga pinag-uugatan nitong isyu.

Dagdag ni Atty. Benedicto Bacani, executive director ng Institute for Autonomy and Governance at taga-Cotabato na eksperto sa peace process, mas pangmatagalang solusyon sa problema ng terorismo ang pagpapaunlad sa bayan at mabuting pamamahala.

Dapat din daw maging maingat sa pagpapatupad ng martial law para maiwasang madamay sa operasyon ng militar ang iba pang grupo. Baka raw kasi magpalala pa ito ng sitwasyon.

Ipinaalala rin ni Bacani na bunsod ng batas militar ang rebelyon sa Mindanao noong dekada 70.

ADVERTISEMENT

Mga negosyante, hati ang opinyon

Para kay Bangko Sentral Governor Amando Tetangco, Jr., desidido si Duterte na ibalik ang kaayusan sa Mindanao kaya siya nagdeklara ng batas militar. Tiwala si Tetangco na maghahatid ito ng mas malaking kumpiyansa kalaunan sa mga namumuhunan sa bansa.

Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry, malinaw ang mensahe ng Pangulo sa mga rebelde na huwag siyang susubukan. Hindi rin daw kalabisan ang pagdedeklara ng martial law sa buong Mindanao.

Pero para kay Washington Sycip, isang respetadong personalidad sa business community, hindi maganda para sa reputasyon ng Pilipinas ang nangyari at baka ma-turn-off ang mga mamumuhunan sa bansa.

-- Ulat nina Sherrie Ann Torres, RG Cruz, Michelle Ong, at Christian Esguerra, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.