VIRAL: Pulis umiihi sa lansangan?

ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 05:18 PM | Updated as of May 11 2017 01:21 PM

MAYNILA - Iniimbestigahan na ngayon ng Philippine National Police ang viral na retrato ng isang pulis na mistulang umiihi sa isang flower box sa lugar na kitang-kita ng mga tao doon.

Viral ngayon sa social media ang retratong ito ng pulis na mistulang may umiihi sa lansangan.Retrato mula sa NCRPO

Pero ayon sa isang photographer na siyang kumuha ng retrato, naghuhugas lang ng kamay ang pulis at hindi umiihi. 

Sa panayam sa ABS-CBN News, ipinakita ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde ang retrato at sinabing ipai-imbestiga nila kung totoo ngang umiihi ang pulis sa publiko at lalapatan ng kaukulang aksyon.

Sabi naman ni Southern Police District (SPD) Director Tomas Apolinario na mas malamang na naghuhugas lamang ng kamay ang pulis.

Masyado aniyang bulgar para sa isang pulis na umihi sa lansangan, sa lugar na kitang-kita ng maraming tao.

Ayon kay Luis Liwanag, ang photographer ng retrato, nakita niya ang pangyayari sa Baclaran noong Disyembre 2016 habang naglalakad at kaagad na pinitik ang retrato dahil sa kakaiba nitong kumposisyon. Tanghalian aniya kuha ang retrato at naghuhugas ng kamay ang pulis na kinailangang bumukaka para hindi mabasa ang kanyang sapatos.

Laking gulat na lamang niya na pinagpasa-pasahan na ang retrato ng may ibang kahulugan.

At nito ngang nakaraang linggo "may isang grupo sa Cebu na may nag-post at sinabing kuha niya ito at na-tiyempuhan niyang umiihi ang pulis," kuwento ni Liwanag. May ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News